Go not gently into the night, rage against the dying of the light!

Thursday, December 4, 2008


Sapin-saping dahilan para kumilos at lumaban!

Disyembre na. Malungkot, walang trabaho o hanapbuhay, gutom, wala ni bubong na silungan at nagdarahop na Pasko ang muling daratal sa higit na nakakaraming mamamayang Pilipino.

Disyembre na. Maglilipat na ang taon. Si Gloria Macapagal-Arroyo ay nasa Malakanyang pa rin. Kapit-tuko sa kapangyarihan. Gustong manatili dito nang labag sa pasya ng mamamayan. Gustong manatili dito ng habambuhay. Sa kabilang banda ang mamamayan ay mistulang habambuhay na bilanggo sa pagsasamantala at pang-aapi ng iilang dayuhan at lokal na naghahari.

Sapin-sapin ang mga suliranin ng sambayanan habang nagpipista sa kurakot at korupsyon ang mga umaangkin ng kapangyarihan. Magpapasko, ang buong daigdig at ang bansa ay hinahambalos ng matinding krisis ngunit walang-lubay ang mga demolisyon sa mga kumunidad ng mga maralita. Hindi rin binabawi o sinususpinde ang pagtataas ng singil sa kuryente, tubig at pati na matrikula ng mga estudyante.

Nagtatanggalan sa trabaho sa loob at labas ng bansa. Ngunit walang hakbang ang gubyerno para lumikha ng makakabubuhay na mga trabaho at hanapbuhay. Iaalok lamang muli ng rehimen sa mga dayong bansa ang mga OFW na nawawalan ng trabaho. Patuloy na itinataboy ng rehimeng Arroyo ang mga Pilipino sa ibayong dagat upang doon makipagsapalaran sukdang magpa-alipin makapagpadala lamang ng dolyar, euro o ng yen. Sa loob ng bansa ang mga dayuhang kapitalista’y ay pangunahing inaakit sa mura at supil na lakas-paggawa ng mga Pilipino. Bawal mag-unyon! Bawal ang dumaing! Pagtatanggal sa trabaho ang banta sa bawat maggigiit ng karapatan, sa bawat ayaw magpaalipin!

Wala na ni kahit butas-butas na repormang agraryo o kahit pormal na pagkilala sa karapatan ng mga magbubukid sa lupang binubungkal.. Wala nang puwang para magkaroon ng kapirasong lupang mabubungkal ang maraming wala nito. Ngunit pinagkakalooban ng rehimeng GMA ang mga dayuhan ng 100% karapatang mag-ari ng lupa sa Pilipinas!

Patuloy na bumababa ang presyo ng langis at mga batayang pagkain. Ngunit ayaw alisin ang VAT na pinagpapasasaan ng kurakot na rehimen at pambayad sa dayuhang pautang na malaon nang nabayaran sa pawis at dugo ng mamamayan. Patuloy na mataas ang presyo ng bigas, ng mga gamot, ng pagpapa-ospital hanggang pagpapalibing.

Ngunit ayaw suportahan ang mga magbubukid. Bawat ipinagmalaking programa ng suporta sa pagsasaka ay nauwi sa katiwalian. Tulad sa kinasangkutan ng dakilang sinungaling na si Joc-joc Bolante sa pondong nilustay upang ipanalo si GMA at biguin ang yumaong FPJ noong 2004.
Mayroon diumanong batas para sa murang gamot ngunit patuloy na nagpapasasa ang mga dambuhalang dayuhang kumpanya ng gamot sa mahal na pagbenta ng kanilang gamot sa Pilipinas. Tinitipid ang badyet ng Department of Health at mga publikong ospital ngunit binubusog ang mga heneral ng AFP at PNP tulad ni De la Paz at mga barkadang Euro Generals at ng naglaho na si Gen. Garcia.

Kailangan pang ipaglaban ng mga publikong guro, mga karaniwang sundalo at empleyado ng gubyerno ang kanilang karapatan sa nakabubuhay na suweldo samantalang kinukurakot ng mga opisyales ang mga pondo.

Walang pag-aasa at maasahan pang buti sa rehimeng GMA at sa pinangangalagaan nitong naghaharing sistemang malaon nang bulok. Malaon nang natuto tayong mga Pilipino na umasa sa ating sariling pagtitiyaga at pagsusumikap na mabuhay ng kahit sa bawat araw lamang.
Ngunit laging may hangganan ang pagtitiis!

May dakila at mapait na mga aral tayo mula sa kasaysayan at sa sariling karanasan ngayon. Nagawa nating ibagsak ang diktadurang Marcos ngunit winaldas ng mga nagkanulo sa bayan ang tagumpay na iyon. Nagawa nating ibagsak ang rehimeng Estrada ngunit nalinlang tayo ng sagad na bulok na pumalit na rehimeng GMA.

Walang katulad sa nakaraan ang paghahari ng pangkating Macapagal-Arroyo. Hinigitan nito ang lahat sa katiwalian at korupsyon sa kabang yaman ng bansa at panunupil sa mga karapatan ng mamamayan. Wala ito ni kaunting malasakit sa bayan.

Walong (8) taon na tayong nagdurusa sa ilalim ng rehimeng GMA. Ngunit walang hiya at pananagutan itong nagmamaniobra ngayon para manatili nang lampas sa 2010.

Disyembre na. Magtatapos na ang taon ngunit hindi nagtatapos ang laban at pakikibaka ng sambayanan. Sobra na, tama na! Wakasan na ang bulok na gubyerno at sistema ng lipunan!

MANGAHAS MAKIBAKA! MANGAHAS MAGTAGUMPAY!
Disyembre 3, 2008