Go not gently into the night, rage against the dying of the light!

Thursday, August 13, 2009

Isang Tula ng Paggunita at Pagpupugay Kay Harry Nacorda


Si Bob Marley at si Hagrid,
Ang Taong-Oso at Higanteng Bata.
At si Ka Harry


(Isang Tula ng Paggunita at Pagpupugay
Kay Harry Nacorda ng Sining Dilaab at YND;
Setyembre 29, 1985 – Agosto 12, 2009)

Nag-iiyakang ibinalita ng mga kasama sa Cebu
Ang malungkot niyang pagyao.
Waring bigla’y nakiramay ang panahon
Sa panghihinayang na iglap na humugos
At panglaw ng pangungulilang lumukob,
Sa labas --bumuhos ang malakas na ulan
Sa katanghaliang-tapat na maalinsangan
at nakababanas;
Sa araw pagkatapos ng pamiminsala
ng bagyong Kiko --

Miyerkules, ika-12 ng Agosto.

Sinagasa namin ang lakas ng ulan sa labas
Bilang banyos sa nilalagnat naming loob;
Pakiramdam nami’y kaagapay si Ka Harry
sa mabilis na paglakad
Tulad nuon sa rehearsals ng Sining Dilaab
Sa bakuran ng parokya ng Alumnos:
Nilalakad lamang namin mula kanto
Sa kabila ng buhat-buhat na mga conga
at bongos;
Nagtitipid kami ng pamasahe as traysikel
Para may ipambili ng sigarilyo’t iced water
Pagkaraan ng libreng pananghalian sa amin
Ni Fr. Manix at ng mababait na Salvatorian Sisters.

Sa YND at Sining Dilaab, ang mga kabataan
Kasama si Ka Harry ay mahigpit na binibigkis
Ng komitment sa mapagpalayang Kliusan
sa bandila ng KPD;
Kalakip ay mga makabayang musika’t awitin:
Mga kantang nagtataguyod ng mga adhikain
ng taumbayan,
Tumututol sa kawalan ng katarungang
panlipunan,
Lumalaban sa pampulitikang panunupil;
Mga awit na idinaraing ang walang-habas
Na paglabag sa mga pantaong karapatan,
walang-pakundangang mga pagdukot at pamamaslang
At nagtataguyod sa tunay na pambansang
Kalayaan at Kasarinlan:

Sa himig na nagpapasikdo sa puso ng masa,
At nagpapaalab sa diwa ng pakikibaka;
Mga awiting ipinalalaganap ng Sining Dilaab
Na kinabibilangan ni Ka Harry: Bersyong Cebu
Ni Bob Marley: Mula buhok na tinirintas
Nang maliliit; Bigwas at pigura ng mukha
At kayumangging kutis; Jamaiscang swabeng
Gilas, tikas at kisig; Hanggang lindi’t kisot,
Indak at kislot – na hinasa sa tiyempo’t ritmo
Ng mga tambol, conga at bongos,
Si Ka Harry ay plakadong imaheng banda,
Subalit namamalaging si Teddy Bear siya
para sa lahat ng mga kasama!

Nang gabing iyon ng masamang balita
at sumama ring panahon
Hindi kami nakatulog dahil sa lumulukob
Sa higaan naming makapangyarihang Anyubog
Na wari’y ang mabait na si Hagrid,
ang half-giant sa Harry Potter,
Na sa kabila ng kalakhan ay maamo
at kalugud-lugod;
Masuyo ang kislap ng mga mata
At ang ngiti kahit na matipid ay matapat;
Parang nagtatanong – Ilang Siomai sa Tisa?
Anong sopdrink?
Hindi nga ito si Hagrid, kundi si Ka Harry
Sa isang pwesto ng Fastfood sa Colon
na IGP nina Deo at RJ
At serbisyo’y IGP naman ng mga Kasamang
Carlo at Harry sa gabi;

Anyubog ni Ka Harry na nakayungyong
sa aming higaan:
Mas malaki kaysa dati nang laki, subalit
Hindi kahindik-hindik na tulad sa masamang
panaginip;

Sa hugos sa amin ng magagandang alaala
Pinalaki siya ng kamatayan kaysa nang siya’y buhay
Dahil sa bihis ng mga gunitang maganda’t matamis:
Isang higanteng Taong-Oso, kayumangging
Taong-Oso na nakayungyong hindi upang
kami’y durugin
Kundi upang maingat, magiliw na yakapin;
Taong-Osong kalugud-lugod at kaibig-ibig
Na masarap siksikan ng sarili at yakapin din
Laluna sa mga gabing maulan at malamig;

Isang Higanteng Bata ng dalisay
na Kawalangmalay
At ang pakikitungo sa masa at mga kasama
ay lantay;
Hindi kami nakatulog nang gabing iyon
Hindi dahil sa mapapait na gunita na naging
bangungot
O sapagkat iyo’y gabi ng pagmumulto
ng kaluluwa ng isang yumao
Na hindi pa lubusang makalisan sa mundo;
Iyo’y gabi ng matatamis na alaalang
Hindi kailanman maililibing sa limot
Sapagkat nakakintal nang malalim sa puso
at diwa ng mga kasama at ng masang
Nakasalamuha niya sa mahirap na pakikibaka,
Nakasalo sa hirap at ginhawa,
At nakabahagi sa lungkot at saya.

Tara na sa lamay at i-group hug ang ating
Teddy Bear!

***
Para sa Teatrong Bayan – KPD;
Tsong, Agosto 14, 2009

Monday, August 10, 2009