Go not gently into the night, rage against the dying of the light!
Thursday, October 18, 2012
GPH-MILF FRAMEWORK OF AGREEMENT: A MEETING OF SIMILAR MINDSETS AND COMMON INTERESTS
Tuesday, October 2, 2012
Tutulan ang Cybercrime Prevention Act of 2012! Ipaglaban ang Demokratikong Karapatan ng Mamamayan!
Inilabas na ng rehimeng US-Aquino ang pangil
nito sa sambayanan. Ipinapakita na nito ang lantarang pagiging kontra-mamamayan
at hayagang pagsisilbi sa interes ng iilan. Desidido itong mambraso at ipakita
sa lahat ang kapasyahan nitong kitlin ang malawak na disgusto ng mamamayan
laban rito. At yaon nga ay nasimulan na. Ang pagsasabatas ng Republic Act
10175, o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Layon lamang nito,
ayon sa mga nagpasa ng batas na ito ang protektahan umano ang madla sa mga
"cybercrime" na nanamantala sa mga kababaihan at kabataan. Di nito
umano sisikilin ang karapatang magpahayag. Sa una, isang animo'y napakagandang
batas.
Subalit sa huling
sandali ay naisingit ang ilang probisyon sa batas na magtuturing sa libelo
bilang isa sa itinuturing na "cybercrime". Ang pagpapakalat, paggusto
at pagkumento sa isang "malisyoso" at "libelous" na
larawan, artikulo't mga kumento na maaaring ipakahulugan na salungat sa mata ng
estado o kung sino man ay ituturing nang krimen, at puwede kang kasuhan at ipakulong
nang dahil rito.
Ibig sabihin, ikaw
ay hindi na maaaring maghayag ng pamumuna sa kahit na sinong opisyal,
institusyon at opisina ng gobyerno. Sa ilalim ng bagong batas na ito, may
kapangyarihan ang estado na isara ang iyong website, blogsite o ang mismong
Twitter o Facebook account mo kapag ito ay nakitang lumabag sa mga probisyon.
Dahil rito, ang simpleng pagkumento o pagpapalaganap ng mga artikulo at larawan
ay mangangahulugan ng pagkakakulong ng mahigit 12 taon at multa na aabot sa PHP
200,000. Bukod rito ay bawal na rin ang pag-download ng mga pelikula at musika
sa internet, gayundin ang malayang palitan ng mga files (file-sharing).
Ang batas na ito ay
pinagtibay at ipatutupad sa panahong ang libelo ay hindi na itinuturing na
krimen ng maraming bansa. Isa na lamang ang Pilipinas sa mangilan-ilang bansa
kung saan ang libelo ay krimen. Ang batas na umiiral sa Pilipinas sa
kasalukuyan ukol sa libelo ay mahigit 80 taon nang nakatindig, isang batas na
produkto ng pananakop ng imperyalistang Estados Unidos, na kanilang ipinatupad
upang gipitin ang makabayang damdamin at paglaban ng mga Pilipino noon. Isang
patunay ng pagiging neo-kolonya ng ating bansa.
Ito ay malinaw na
pagkitil sa malayang pagpapahayag. Isang layon nito ang gipitin at sagkain ang
mga pamumuna sa mga patakaran at polisiya ng estado at pagtakpan ang katiwalian
at kabulukan ng sistemang panlipunan at makabayang damdamin, at ilihis ang isyu
mula sa mga makabuluhang panawagan ng mamamayan para sa makabuluhang badyet sa
edukasyon, mataas na sahod, pabahay at sebisyong pangkalusugan para sa lahat.
Sapagkat ang
neokolonyal at elitistang estado ay bingi at manhid sa mga panawagang ito,
upang iwasan ang malawakang pagkilos dulot ng disgusto ng marami sa nabubulok
nang sistema ng lipunang Pilipino, minabuti nito na busalan ang mamamayan.
Social
media: isang larangan ng protesta ng mamamayan
Malaki ang naging
papel ng social media sa mga nagaganap ngayong mga malawakang pagkilos ng
mamamayan sa buong daigdig. Kasabay ng mga pagkilos at protesta sa lansangan,
malaki ang natutulong ng mga social media website na tulad ng Facebook at
Twitter at mga blogs gaya ng WordPress, Tumblr at LiveJournal sa pagpukaw,
pag-organisa at pagpapakilos ng mamamayan. At naganap nga ang "Arab
Spring" kung saan pinatalsik ng mga mamamayan ng mga bansa sa South West
Asia (Middle East) ang kanilang mga diktadurang rehimen.
Sa mga bansa sa
Europa, partikular ang Spain at Greece, patuloy ang malawak at malalaking
pagkilos ng mamamayan upang labanan ang pagbabawas ng pondo para sa mga
serbisyong panlipunan at paglalaan nito para isalba ang mga bangkong nalugi
dahil sa krisis. Sa una, ang mga pagkilos na ito ay maliitan ngunit pursigido,
at sa mga gawaing pagmumulat at ahitasyon sa internet ito ay lumawak at
dumaluyong ang mamamayan sa mga lansangan ng Madrid, Athens, Rome, Dublin,
Lisbon, Paris at iba pa.
Sa Estados Unidos,
tagumpay ang mamamayang Amerikano sa paglaban sa SOPA (Stop Online Piracy Act)
at PIPA (Protect Intellectual Property Act) na ang layon ay tiktikan ang
komunikasyon sa internet at harangan ang anumang "iligal" na gawain
sa ngalan ng paglaban umano sa pamimirata. Sa maagap na pagkilos at pagmumulat
gamit ang internet, naiurong ang pagsasabatas ng SOPA at PIPA. At sa ngayong
patuloy ang krisis ng kapitalismo sa Estados Unidos tulad sa Europa, patuloy pa
rin ang pagkilos ng mamamayan na ang ekspresyon ay ang Occupy Movement.
Ang mga
ispontanyong pagkilos na ito ng mga mamamayan na malaking bahagi ang papel na
ginampanan ng internet at social media ang siyang ikinababahala ng neo-kolonyal
na rehimen sa Pilipinas ngayon.
Tagong
layunin: pigilin ang protesta ng mamamayan sa Pilipinas
Di lingid sa
rehimeng US-Aquino ang malaking papel ng internet at social media sa mga
protesta at pagkilos sa ibang bansa. Kaya naman nagkandarapa ang rehimen at
kanilang mga kasapakat na busalan at kontrolin ang komunikasyon sa internet sa
Pilipinas. Sa Facebook at Twitter naibubulalas ng mamamayan ang disgusto nito
sa rehimen at sa sistema ng lipunang kinakatawan nito. Sa pag-unlad ng
teknolohiya sa komunikasyon, ito ay naging isa sa mga kaalinsabay na porma ng
propaganda bukod sa mga protesta sa lansangan.
Ang mga
progresibong grupo sa ngayon ay inaasahang matinding tatamaan ng batas na ito.
Ito ay ekstensyon lamang ng patuloy na panggugulo at pananakot sa mga masang
aktibista na ginamit na ang internet at social media upang makapagpahayag at
magmulat sa mamamayan.
Nakakapagtaka na sa
panahon ng pag-alis ng maraming bansa sa mundo sa pagturing ng libelo bilang
isang krimen, ay ipinapagtibay naman ang batas na ito dito sa ating bansa.
Nakakapag-alala din ang ilang mga probisyon tungkol sa penalty sa mga lalabag,
na mas matagal at malubha pa kaysa sa nakagawa ng regular na libelo.
Patuloy ang pagtaas
ng insidente ng kagutuman. Walang malinaw na pinatutunguhan ang sinasabing
"Tuwid na Daan" ng rehimen. Ang mga serbisyong panlipunan ay patuloy
na winawalang-bahala upang ilaan ang pondo sa pagbabayad ng utang panlabas. Ang
karapatan sa pabahay ay nananatiling isang propaganda lamang upang lokohin ang
masa at patuloy ang mga demolisyon ng mga tirahan ng mga maralita.
Dahil rito, ang
pagpapasa ng Cybercrime Law ay isang maagap na hakbang upang solusyonan ang
malaking kakaharapin ng rehimen mula sa galit na mamamayan. Niyurakan na ng
neokolonyal na estado ang karapatan sa malayang pagtitipon, at para makasiguro
na ang lahat ng hibo ng mga porma ng protesta ay mawala, ito ang kanilang
ginawa, ang pigilan ang protesta sa pamamagitan ng internet.
Tipikal na sa isang
pamahalaang bunga ng neo-kolonyal at mala-pyudal na sistemang panlipunan ang
tiyakin na ang paglaban ng mamamayan ay pigilin. Sa halip na magpasa ng batas
na maglalatag ng mga batayang industriya, sa halip na pairalin ang transparency
at accountablity sa pamamahala, sa halip na paunlarin ang kalidad ng edukasyon
para sa pambansang kaunlaran at magsisiguro ng kalusugan ng bawat isa, gagawin
nito ang lahat ng paraan upang protektahan ang interes ng iilang nagsasamantala.
Makibaka,
huwag matakot! Ilantad ang pasistang katangian ng Cybercrime Law!
Ilang dekada na ang
lumipas, mula nung patunayan ng mamamayan na kaya nitong tumindig at lumaban sa
diktadura. Wala pang internet noon, subalit sa nagkakaisa at determinadong
pagkilos ay tuluyang bumagsak ang diktadura.
Ngayon higit kailan
pa man ay dapat na mas igiit ang ating mga demokratikong karapatan at mga
kahilingan! Ang batas na ito ay manipestasyon ng pasismo sa internet! Marapat
itong ilantad at imulat itong makabagong uri ng diktadura na nagsasapanganib sa
bawat isang Pilipino.
Sa halip na manlumo
at mabahala, ay mas pag-ibayuhin ang protesta. Patunayan natin na hindi
kailanman magagapi at matatakot ang mamamayan sa layong baguhin ang
kasalukuyang sistemang panlipunan.
Marubdob na igiit
sa estado ang mas dapat pagtuunan ng pansin ang mas malawak pang suliranin ng
sambayanan kaysa pagtakpan ang sarili nitong kakulangan sa pamamagitan ng
anti-mamamayang batas na ito.
Ang teknolohiya ay
nilikha ng tao, at marapat na makatulong sa tao, at di sa kapakinabangan ng
iilang mapagsamantala.
Aming mga kapwa
kabataan at estudyante, tayong mga mas may panahon at kakayahang makapag-online
ay dapat pangunahan ang labang ito. Ang labang ito ay para sa lahat sa
kasalukuyan, at para sa mga darating na henerasyon!
Ika nga ng isang
prominenteng lider-estudyante: Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung
hindi tayo kikibo, sino ang kikibo? Kung hindi ngayon, kailan pa?
TUTULAN ANG
CYBERCRIME PREVENTION ACT OF 2012!
DEMOKRATIKONG
KARAPATAN NG MAMAMAYAN, IPAGLABAN!
ANG
TEKNOLOHIYA AY PARA SA MAMAMAYAN, HINDI PARA SA IILAN!
Subscribe to:
Posts (Atom)