Nuong Oktubre 14, pinayagan ng administrasyong PNoy ang mga
kinatawan nito sa Mutual Defence Board na aprubahan ang 426 US-Philippine
“joint activities” sa pagitan ng dalawang pwersang-militar.
Ito ay sa kabila ng pagkakasangkot ng isang sundalong ng US
Marines Corps. sa kalunoslunos na pagpaslang sa isang Pilipinong transgender
nuong Oktubre 11 at ng matinding panawagan ng mga iba’t ibang samahan na
ipailalim ang pinaghihinalaang salarin sa kustodya ng Pilipinas.
Nanawagan ang KAISA KA,isang samahan ng mga kababaihang
nagsusulong ng panlipunang pagbabago sa pangulo na bumitaw na sa kasunduang
pinirmahan ni Hen.Gregorio Catapang nitong Oktubre 14,2014 at tanggihan ang
anumang pag-uusap hingil sa iplementasyon ng EDCA. Bukod pa sa dapat lamang
igiit ng ating gubyerno ang kustodya sa suspek na si Private First Class (PFC)
Joseph Scott Pemberton sa Pilipinas.
Ipinanawagan din ng KAISAKA na ikonsidera ng pamahalaan ang
pagbabasura sa EDCA sa dahilang sinusuportahan ng kasunduang ito ang lumalawak
na militarismo ng Estados Unidos.
Ang pagpaslang sa transgender na si Jennifer Laude sa
pamamagitan ng pagsakal at paglunod sa inidoro ay dapat lang kondenahin ng
lahat ng mamamayang humihiyaw ng katarungan. Si Jennifer ay isang biktima ng
karahasang nakabatay sa kasarian at resulta ng tumitinding militarism ng US.
May limang US warship ang nakadaong sa Subic para makapaglibang.
Isa si Pemberton sa mga lumalahok sa ginanap na US amphibious exercise kasama
ang mga sundalong Pilipino.
Ipinakita ng paraan ng pagpaslang sa pamamagitan ng
pagsubsob ng mukha sa iniduro kung paano itrinato si Jennifer na parang dumi.
Kaso ito ng trans-bashing na maituturing na walang iba kundi ang karahasang
sekswal, pisikal o panlalait sa mga transgender- na isang uri ng karahasang
batay sa kasarian.
Maraming Nicole at Jennifer Basta’t May Tropang Kano
Dahil matagal ng libangan ng mga sundalong kano ang Subic at
Olongapo, naging saksi ang mga ito sa marami-rami na ring insidente ng
karahasan laban sa mga kababaihan, transgender, at maging sa mga kabataan.
Ayon sa mga iskolar at eksperto, ang karahasa’y bahagi na ng
isang kulturang militar sa patuloy na pagdikdik sa sistema ng kasundaluhan ng
mga awit at komentong kontra-kababaihan at transgender para hubugin sila na
maging matibay at matapang na tagapagtanggol ng interes ng US.
Dahil dito’y kinamihasnan nang ituring ng mga kasundaluhan
ang katawan ng kababaihan na tropeo ng katapangan at pagpupunyagi kapwa sa
panahon ng pagsasanay at digma. Kung kaya’t ang abuso sa kababaihan (kasama ang
mga lesbiana at gays) ay gawi rin mula sa kanilang sariling hanay hanggang sa
mga lugar na kanilang ginagawang base o sila’y pansamantalang nakahimpil tulad
ng Japan, Korea at sa Gitnang Silangan o Middle East.
Para sa Marinong US, ang R and R o rest and recreation ay
sadyang pagkakataon para magpakagumon sa kamunduhan, alak at droga. At dahil sa
pinakamalakas na military super power sa daigdig at may maituturing na mahigit
pitong daang base sa mundo, hindi pa kasama dito ang mga security arrangements
tulad ng EDCA at VFA, talagang ang hukbo ng Estados Unidos ay may
pinakamahabang listahan ng mga kaso ng pang-aabusong sekswal.
Seguridad Ba Natin Kaya Narito Sila?
Pinatunayan ng mahigit sangdaang taong pagiging dominanteng
kapangyarihang ekonomiko at militar ng US sa mundo na pangunahing dahilan ang
makinaryang militar nito sa pagpapanatili ng istabilidad at seguridad nito
bilang dominanteng kapangyarihan. Gayundin, ang paglalagay nito sa peligro at
pagkawasak ng maraming buhay, kabuhayan at sistema ng pamumuhay ng mga
mamamayan at komunidad sa mundo.
Ang pag-sangayon ng Pilipinas na ipagamit ang mga kampo at
teritoryo nito sa mga tropa at gamit pandigma ng US sa ilalim ng EDCA ay tunay
na naka-kabahala. Lalo pa’t kinakasangkapan nito ang panggigipit ng Tsina
bilang dahilan.
Ang totoo’y hindi lang talaga matanggihan ni Pnoy ang
kagustuhan ng US na magamit ang teritoryo ng Pilipinas bilang bahagi ng desenyo
nito na magdeploy ng mga pwersa nito sa mga estratehikong lokasyon sa
Asya-Pasipiko para madali at pleksible nitong maideploy sa iba’t ibang bahagi
ng mundo nang di-gaanong gagastos.
Nitong pinakahuling Phiblex hindi pa man nagkabisa ang EDCA,
may 9,000 sundalong Kano ang nasa teritoryo ng Pilipinas. Sa bisa ng EDCA at
may 426 pinayagang joint military exercises, di malayong ang Pilipinas ay muli
na naming magmistulang isang malaking kampo o garrison ng US.
Tayo’y wala namang kaaway bilang isang bansa, ngunit dahil
kampi tayo sa Amerika, ang kanilang kaaway/ inaaway ay itinuturing na rin tayong kaaway.
Isang pormula ito ng ligalig at digma lalu na’t mas nauna nang ipinahayag ng
Amerika na itinuturing nitong karibal/kaaway ang Tsina at ang kanyang pivot o
pagpapalakas ng pwersang-militar sa Asya- Pasipiko ay nakatutok dito.
Igiit natin kay PNoy na ibasura ang MDT, VFA at EDCA o ihanda natin ang sarili as mga susunod pang Jennifer at Nicole.
Hustisya para kay Jennifer at sambayanang Pilipino!
Panagutin si PFC Scott Pemberton!
Soberanyang Bayan Ipaglaban! VFA IBASURA!
Oktubre 16,2014
Pagkakaisa ng Kababaihan para sa Kalayaan (KAISA KA)
No comments:
Post a Comment