Muling bigo ang
mga manggagawa sa inaasam na paglaya sa salot na kontraktwalisasyon. Minsan pa,
napatunayang walang maasahan sa nakaluklok sa kapangyarihan. Tulad ng mga naunang rehimen, tagapagtaguyod din ang administrasyong Duterte
ng neo-liberalismo at ng interes ng mga kapitalista. Sa pamamagitan ng Department
Order # 174, ginawang lehitimo ang kalakaran ng kontraktuwal na pag-empleyo ng
manggagawa para sa kailangan (necessary) at esensyal (essential) na trabaho.
Ang
kontraktuwalisasyon ng paggawa ay isa sa mga mayor na salik sa paglaya ng kapital
o pag-aalis ng mga sagabal sa malayang paggalaw at paglago ng kapital na siyang
kahulugan ng neoliberalismo. Ang paglaya ng capital, sa gayon, ay
nangangahulugan ng pagsupil sa paggawa.
Pangako ni Duterte
nuong kumampanya na kanyang wawakasan ang bulok na sistema ng kontraktwalisasyon
sa bansa. Matatandaan na buong yabang na isinumpa niya ito na “anti-people”. Marami sa ating kamanggagawa ang nanalig sa
pangakong ito. Hanggang mabulgar mismo ang
kahungkagan ng pangakong ito ni Duterte nang ianunsyo, Abril 15, ang paglabas
ng D.O. 174, pamalit sa D.O. 18-A.
Hindi na
ikinagulat ng mulat na sekyon ng mga manggagawa ang kinalabasan ng bagong DO. Sa serye pa lamang ng mga kumperensyang
ipinatawag upang dinggin diumano ang tinig ng manggagawa, malinaw na ang
posisyon ng Department of Labor and Employment (DOLE), wala ito sa panig ng mga
manggagawa.
Paglinlang at pagsupil sa manggagawa
ANG D.O. 174 ay halos
pag-uulit ng D.O. 18-A. Niligalisa at pinagtibay lamang nito ang kontraktwalisasyon
na pumapawi sa mga karapatan ng manggagawa sa permanente at regular na trabaho
at mga benepisyo.
Itinaas ng D.O.
174 ang minimum na kapital ng labor
agencies mula sa tatlong milyong piso (P 3M) tungong limang milyon (P 5M).
Ito diumano ang pinakamababang sukatan para sabihing may kapasidad ang labor agency na mag-opereyt. Ngunit alam
naman nating nandiyan lagi ang kutsabahan ng prinsipal at agency at kadalasan, ang prinsipal din ang nasa likod o siyang
may-ari ng mga labor agency.
Itinakda rin ng
bagong D.O. ang qualifiers na “specific”, “work for a definite and pre-determined period” at “identifiable jobs” para umano maging
malinaw at tiyak ang mga trabahong ipapakontrata.
Ngunit ang mga
terminong ito ay dati nang gamit ng mga kapitalista para ipatungkol sa “job orders”, “project” at iba pang iskema upang ikutan ang batas at maipakontrata
ang mga trabahong “essential and/or
desirable to the principal business operation.” Sa gayon, lalong pinagtibay ng bagong D.O. ang
kinasusuklaman nating sistemang kontraktuwal.
Sa bagong D.O. ay
malinaw na ire-regular ang manggagawa sa agency,
hindi sa principal. Isa itong katayuan na napaka-bulnerable dahil sa oras na habulin
nating manggagawa ang karapatan sa pag-u-unyon at iba pang karapatan sa
trabaho, tulad ng dagdag na sahod, ay napakadali
tayong tanggalin sa trabaho.
Magkukutsabahan
lamang ang principal at agency at kunwang hindi na bibigyan ng
bagong kontrata ng una ang huli. Wala na
tayong trabaho. Nakatali ang ating
pamamasukan sa kontratang namamagitan sa prinsipal at ahensya. Separation
pay lamang ang katapat ng ating panunungkulan.
Sa pagsusuma, ang
D.O. 174 sa panahon ni Duterte ay pagpipino at pagkikinis lamang ng iskema ng
kontraktwalisasyon na institusyunalisado na sa ilalim ng mga naunang rehimeng
naluklok sa Malakanyang. Kumpletong pakete ang D.O. 174 ng tiranikong atake ng
rehimeng Duterte sa paggawa. Papawiin nito ang natitirang pag-asa para sa
regular/permanenteng trabaho, at sapagkat hindi regular o permanente ang
pag-empleyo ng manggagawa, wala silang karapatang mag-organisa, mag-unyon at
sama-samang makipagtawaran.
Muli mabibigo
tayong manggagawa kung iaasa lamang sa iba ang ating paglaya sa pagsasamantala
at pang-aapi ng uring kapitalista at sa sistema ng paghaharing nagtataguyod ng
kanilang interes. Tuwirang salungat ang interes nating manggagawa sa interes ng
uring kapitalista. Ipinakikita sa nakaraang kasaysayan at sa kasalukuyang sitwasyon
ang katunayan ng tunggaliang ito.
Hungkag ang
pagpapanggap ng Panguluhang Duterte na ito’y maka-manggagawa at maka-kaliwa.
Katunayan, bukod sa D.O. 174 ay pinagbabantaan nito ng ibayong karahasan ang
mga organisado o unyonisadong manggagawa, laluna sa mga economic zones.
Sapagkat wala ngang pangimi sa karahasan at tahasang paglabag sa mga karapatang
pantao, ang rehimeng Duterte ay banta ng ibayong pagsupil sa mga manggagawa at
mamamayan, sa pangkalahatan.
Pandaigdigang paglaban sa pagsasamantala at pang-aapi
Pandaigdigan ang pag-iral ng
neoliberalismo at sa gayon ng kontraktuwalisasyon. Pinasiyaan ito sa United
States of America (USA o US) at sa United Kingdom (UK) o Britain umpisa ng
dekada 80 sa sistematikong pag-atake sa karapatan ng manggagawang mag-unyon at
magwelga at pag-uumpisa ng patakaran at sistema ng pleksibleng paggawa
(flexible labor)—pleksible o hindi pirmi/di-istable ang katayuan sa empleyo at
panahon/oras ng trabaho. Pagsalakay at
pagpawi sa mga dating karapatan ng paggawa ang susi sa liberalisasyon o
pagpapalaya ng kapital.
Itinulak ang neoliberalismo at kaakibat
nitong pleksibleng paggawa upang maiwasan ng pandaigdigang
kapitalismo ang krisis. Kararaos lang
ng kapitalismo sa krisis ng makatambal na resesyon at labis na tantos ng implasyon
na humambalos, laluna sa US at Britain, nuong ikalawang hati ng dekada 70.
Ngunit ang ibayong pagpapalaya ng
kapital ay humantong sa lalong krisis. Muli’t muling pumutok ang krisis ng
kapitalismo. Mula nang huling pagsiklab ng pinansyal na krisis nuong 2008 ay
hindi pa nakakaalpas ang pandaigdigang kapitalismo sa krisis nito na
kinatatampukan ngayon ng malaganap na resesyon; pagkalubog sa utang ng mga
gubyerno, pribadong korporasyon at mga pamilya; malaganap na kawalang trabaho; at,
mababang sahod at hindi istableng empleyo para sa mga may trabaho.
Isinabatas na ang pagpapahaba ng
oras-paggawa, nang walang dagdag sa sahod, sa hindi iilang bayan, kabilang ang
mga abantenng kapitalistang bayan tulad ng France. Sa US, pinakamarami sa mga
bagong nagkakatrabaho ay pansamantala o temporary (temps). Ang pansamantalang trabaho ay maaaring tatlong buwan o
ilang linggo lamang. Ipinapatupad sa buong mundo ang ibayong pagpapababa ng
sahod katambal ang pagpapahaba ng oras-paggawa.
Isulong at patalasin ang paglaban ng masang manggagawa, sa
unahan ng mamamayan
Malinaw na hindi kontraktuwal na
paggawa lamang ang problema. Katunayan, isa lamang ito sa mga anyo ng
pagsasasmantala at pang-aapi sa manggagawa. Isa lamang ito sa mga pamamaraan sa
tangkang ibayong pagpiga ng tubo o pagpapalago ng kapital sa kabila ng krisis
ng kapitalismo. Isa lamang ito sa mga patakaran ng neoliberal na disenyo para
sagipin ang kapitalismo sa angkin o likas na krisis nito.
Kailangang kung gayon na lampasan ng
mga manggagawa sa bawat bayan ang paglaban lamang sa mga particular na anyo at
paraan ng pagsasamantala at pang-aapi. Kailangang itaas at isulong ang paglaban
sa kapitalismo, laluna ang pinakasukdulang inabot nito na monopolyo at
tiranikong kapitalismo na pangunahing kinakatawan ng imperyalismong US. Ito rin
ang principal na manggigera at ngayon ay pinapasaklaw ang pananalakay nito sa
iba’t-ibang panig ng daigdig.
Manggagawa ng bawat bayan magkaisa,
pangunahan ang mamamayan sa paglaban sa imperyalismong US!
WORKERS FOR PEOPLE’S LIBERATION
1 Mayo 2017