Go not gently into the night, rage against the dying of the light!

Saturday, April 29, 2017

D.O. 174: Isa pa sa mga Pakana sa Nagpapatuloy na Tiranikong Atake sa Paggawa

Muling bigo ang mga manggagawa sa inaasam na paglaya sa salot na kontraktwalisasyon. Minsan pa, napatunayang walang maasahan sa nakaluklok sa kapangyarihan.  Tulad ng mga naunang rehimen,  tagapagtaguyod din ang administrasyong Duterte ng neo-liberalismo at ng interes ng mga kapitalista. Sa pamamagitan ng Department Order # 174, ginawang lehitimo ang kalakaran ng kontraktuwal na pag-empleyo ng manggagawa para sa kailangan (necessary) at esensyal (essential) na trabaho.

Ang kontraktuwalisasyon ng paggawa ay isa sa mga mayor na salik sa paglaya ng kapital o pag-aalis ng mga sagabal sa malayang paggalaw at paglago ng kapital na siyang kahulugan ng neoliberalismo. Ang paglaya ng capital, sa gayon, ay nangangahulugan ng pagsupil sa paggawa.
Pangako ni Duterte nuong kumampanya na kanyang wawakasan ang bulok na sistema ng kontraktwalisasyon sa bansa. Matatandaan na buong yabang na isinumpa niya ito na “anti-people”.  Marami sa ating kamanggagawa ang nanalig sa pangakong ito.  Hanggang mabulgar mismo ang kahungkagan ng pangakong ito ni Duterte nang ianunsyo, Abril 15, ang paglabas ng D.O. 174, pamalit sa D.O. 18-A.
Hindi na ikinagulat ng mulat na sekyon ng mga manggagawa ang kinalabasan ng bagong DO.  Sa serye pa lamang ng mga kumperensyang ipinatawag upang dinggin diumano ang tinig ng manggagawa, malinaw na ang posisyon ng Department of Labor and Employment (DOLE), wala ito sa panig ng mga manggagawa.
Paglinlang at pagsupil sa manggagawa
ANG D.O. 174 ay halos pag-uulit ng D.O. 18-A. Niligalisa at pinagtibay lamang nito ang kontraktwalisasyon na pumapawi sa mga karapatan ng manggagawa sa permanente at regular na trabaho at mga benepisyo.
Itinaas ng D.O. 174 ang minimum na kapital ng labor agencies mula sa tatlong milyong piso (P 3M) tungong limang milyon (P 5M). Ito diumano ang pinakamababang sukatan para sabihing may kapasidad ang labor agency na mag-opereyt. Ngunit alam naman nating nandiyan lagi ang kutsabahan ng prinsipal at agency at kadalasan, ang prinsipal din ang nasa likod o siyang may-ari ng mga labor agency.
Itinakda rin ng bagong D.O. ang qualifiers na “specific”, “work for a definite and pre-determined period” at “identifiable jobs” para umano maging malinaw at tiyak ang mga trabahong ipapakontrata.
Ngunit ang mga terminong ito ay dati nang gamit ng mga kapitalista para ipatungkol sa “job orders”, “project” at iba pang iskema upang ikutan ang batas at maipakontrata ang mga trabahong “essential and/or desirable to the principal business operation.”  Sa gayon, lalong pinagtibay ng bagong D.O. ang kinasusuklaman nating sistemang kontraktuwal.
Sa bagong D.O. ay malinaw na ire-regular ang manggagawa sa agency, hindi sa principal. Isa itong katayuan na napaka-bulnerable dahil sa oras na habulin nating manggagawa ang karapatan sa pag-u-unyon at iba pang karapatan sa trabaho, tulad ng dagdag na sahod,  ay napakadali tayong tanggalin sa trabaho.
Magkukutsabahan lamang ang principal at agency at kunwang hindi na bibigyan ng bagong kontrata ng una ang huli.  Wala na tayong trabaho.   Nakatali ang ating pamamasukan sa kontratang namamagitan sa prinsipal at ahensya.  Separation pay lamang ang katapat ng ating panunungkulan.
Sa pagsusuma, ang D.O. 174 sa panahon ni Duterte ay pagpipino at pagkikinis lamang ng iskema ng kontraktwalisasyon na institusyunalisado na sa ilalim ng mga naunang rehimeng naluklok sa Malakanyang. Kumpletong pakete ang D.O. 174 ng tiranikong atake ng rehimeng Duterte sa paggawa. Papawiin nito ang natitirang pag-asa para sa regular/permanenteng trabaho, at sapagkat hindi regular o permanente ang pag-empleyo ng manggagawa, wala silang karapatang mag-organisa, mag-unyon at sama-samang makipagtawaran.
Muli mabibigo tayong manggagawa kung iaasa lamang sa iba ang ating paglaya sa pagsasamantala at pang-aapi ng uring kapitalista at sa sistema ng paghaharing nagtataguyod ng kanilang interes. Tuwirang salungat ang interes nating manggagawa sa interes ng uring kapitalista. Ipinakikita sa nakaraang kasaysayan at sa kasalukuyang sitwasyon ang katunayan ng tunggaliang ito.
Hungkag ang pagpapanggap ng Panguluhang Duterte na ito’y maka-manggagawa at maka-kaliwa. Katunayan, bukod sa D.O. 174 ay pinagbabantaan nito ng ibayong karahasan ang mga organisado o unyonisadong manggagawa, laluna sa mga economic zones. Sapagkat wala ngang pangimi sa karahasan at tahasang paglabag sa mga karapatang pantao, ang rehimeng Duterte ay banta ng ibayong pagsupil sa mga manggagawa at mamamayan, sa pangkalahatan.
Pandaigdigang paglaban sa pagsasamantala at pang-aapi   
Pandaigdigan ang pag-iral ng neoliberalismo at sa gayon ng kontraktuwalisasyon. Pinasiyaan ito sa United States of America (USA o US) at sa United Kingdom (UK) o Britain umpisa ng dekada 80 sa sistematikong pag-atake sa karapatan ng manggagawang mag-unyon at magwelga at pag-uumpisa ng patakaran at sistema ng pleksibleng paggawa (flexible labor)—pleksible o hindi pirmi/di-istable ang katayuan sa empleyo at panahon/oras ng trabaho.  Pagsalakay at pagpawi sa mga dating karapatan ng paggawa ang susi sa liberalisasyon o pagpapalaya ng kapital.

Itinulak ang neoliberalismo at kaakibat nitong pleksibleng paggawa upang maiwasan ng pandaigdigang
kapitalismo ang krisis. Kararaos lang ng kapitalismo sa krisis ng makatambal na resesyon at labis na tantos ng implasyon na humambalos, laluna sa US at Britain, nuong ikalawang hati ng dekada 70.

Ngunit ang ibayong pagpapalaya ng kapital ay humantong sa lalong krisis. Muli’t muling pumutok ang krisis ng kapitalismo. Mula nang huling pagsiklab ng pinansyal na krisis nuong 2008 ay hindi pa nakakaalpas ang pandaigdigang kapitalismo sa krisis nito na kinatatampukan ngayon ng malaganap na resesyon; pagkalubog sa utang ng mga gubyerno, pribadong korporasyon at mga pamilya; malaganap na kawalang trabaho; at, mababang sahod at hindi istableng empleyo para sa mga may trabaho.

Isinabatas na ang pagpapahaba ng oras-paggawa, nang walang dagdag sa sahod, sa hindi iilang bayan, kabilang ang mga abantenng kapitalistang bayan tulad ng France. Sa US, pinakamarami sa mga bagong nagkakatrabaho ay pansamantala o temporary (temps). Ang pansamantalang trabaho ay maaaring tatlong buwan o ilang linggo lamang. Ipinapatupad sa buong mundo ang ibayong pagpapababa ng sahod katambal ang pagpapahaba ng oras-paggawa.

Isulong at patalasin ang paglaban ng masang manggagawa, sa unahan ng mamamayan

Malinaw na hindi kontraktuwal na paggawa lamang ang problema. Katunayan, isa lamang ito sa mga anyo ng pagsasasmantala at pang-aapi sa manggagawa. Isa lamang ito sa mga pamamaraan sa tangkang ibayong pagpiga ng tubo o pagpapalago ng kapital sa kabila ng krisis ng kapitalismo. Isa lamang ito sa mga patakaran ng neoliberal na disenyo para sagipin ang kapitalismo sa angkin o likas na krisis nito.

Kailangang kung gayon na lampasan ng mga manggagawa sa bawat bayan ang paglaban lamang sa mga particular na anyo at paraan ng pagsasamantala at pang-aapi. Kailangang itaas at isulong ang paglaban sa kapitalismo, laluna ang pinakasukdulang inabot nito na monopolyo at tiranikong kapitalismo na pangunahing kinakatawan ng imperyalismong US. Ito rin ang principal na manggigera at ngayon ay pinapasaklaw ang pananalakay nito sa iba’t-ibang panig ng daigdig.

Manggagawa ng bawat bayan magkaisa, pangunahan ang mamamayan sa paglaban sa imperyalismong US!



WORKERS FOR PEOPLE’S LIBERATION

1 Mayo 2017

No comments: