Go not gently into the night, rage against the dying of the light!

Wednesday, April 1, 2009


Tungkol sa Sinasabing Pagbaligtad ni Nicole 1
Paglilinaw sa Kasapian ng KAISA KA:

Tungkol sa Sinasabing Pagbaligtad ni Nicole

Iba’t iba ang reaksyon sa tinataguriang “March 12 Affidavit”* ni Nicole at sa binitawan ng kanyang ina na nasa US na umano si Nicole para mamuhay nang matahimik. Marami ang nagalit at ang tingin nila ay natraidor sila. Tinitingnan naman ng iba na iniwan sila sa ere. Marami ngayon ang umaatake kay Nicole. Kung dati ay kinulapulan na siya ng putik, inilulublob pa siya ngayon. Lalo pang piinagdiriinan ng iba na maruming babae nga si Nicole.

Ano ang ating aktitud?
Paano natin ito ipaliliwanag sa mga mamamayang pinalahok natin sa laban para sa katarungan kaugnay ng Subic Rape Case?

Hindi natin pinagsisisihan ang pagtulong kay Nicole.

Ikinagagalak at ipinagmamalaki ng KAISA KA na naging importanteng bahagi ito ng mga pwersang sumaklolo, umalalay at nakipaglaban para kay Nicole. Ipinagmamalaki nating naging importateng bahagi tayo ng paglaban para sa katarungan ng unang biktima ng pang-aabuso ng mga sundalo ng US na tumakbo sa husgado at nakakuha ng conviction para sa isa sa mga akusado. Ipinagmamalaki natin ang walang pagdadalawang-loob na pagdadala ng laban ng unang biktimang nangahas tumayo sa unang kasong sumalang sa kawastuan ng VFA.

Naniniwala tayong totoo ang kanyang sinabi sa kanyang mga isinalaysay sa panahon ng pagdinig sa RTC sa Makati. May ilan sa ating nakasama mismo

* Inilabas ito sa midya ng kampo ni Smith noong !7 Marso 2009. Sa apidabit na ito, sinabi ni Nicole na siya ay nakukonsensya at di eksakto ang nauna niyang salaysay. Kabilang sa mga bago niyang salaysay ay: Pinagdududahan daw niya kung talagang may intensyong gahasain siya ni Smith o baka naman nawala ang mga inhibitions niya dahil sa alak kaya naging
mapusok siya. Inamin din niya rito na tumanggap na siya ng P100, 000 bilang bayad sa danyos
ayon sa inutos ng Hukuman.

sa pagkausap sa kanya bago ang mga pagdinig at di nagbabagu-bago ang kanyang salaysay. Maliwanag sa mga ebidensya at patunay na totoong grabe ang kanyang pagkalasing at nawalan siya ng malay dahil dito at sa gayon ay di makapagbibigay ng kanyang pagsang-ayon para pakipagtalik.

Hindi natin kinukondena si Nicole

Matindi ang kanyang pinagdaanan. Sa Pilipinas, liban kung bata ang ginahasa, nauuna pang ipako ang biktima kaysa sa rapist. Hindi na siya sinuportahan ng gubyerno, pinangunahan pa mismo ng “Justice” Secretary ang pangungutya sa kanya at sa kanyang pagkatao. Pinagsikapan niyang sanggain ang sari-saring pwersang pwedeng magpahina sa kanyang paglaban. Habang agad siyang pinaratangan, agad ding niyang nilabanan ang mga “mungkahi” ng ilang pulis, tauhan ng City Hall ng Olongapo, at iba pa na imbes na magkaso ay “makipag-ayos na lang, umiwas sa kahihiyan at magkakapera pa”. Tinanggihanr niya ang alok noong kasagsagan ng pagdinig sa Makati na ipatalo ang kaso kapalit ng blank cheque, bahay at lupa sa US at visa. Ilang beses niyang pinagrebeldehan ang mismong malalapit sa kanya na nanumbat sa kanya tungkol sa pagkaistorbo ng kanilang buhay, paghahanapbuhay at kabuhayan dahil sa pag-asikaso sa
kaso.

Kung anuman ang naganap na humantong sa March 12 Affidavit, hindi natin alam ang ditalye pero ang malinaw, ang mga nakasaad sa kanyang apidapit ay mga argumentong ihinarap ng kanyang kalaban at ang pormulasyon ng salaysay ay hindi kay Nicole.

Sikapin nating palawakin ang ating pang-unawa. Dumaranas ang isang biktima ng panggagahasa ng sarisaring emosyunal na pagpapababalingbaling na pwedeng makaapekto sa kanyang mga tindig sa buhay. At kung sakali’t totoong naakit na siya ng alok na mabuhay sa US nang may karangyaan at katahimikan, alam nating matatanto rin ni Nicole ang kahungkagan ng pangakong iyan.

Ganoonman, laging hangad natin ang pinakamabuti para kay Nicole.

Nais ng kalaban ni Nicole, sa pagkakagawa ng ikalawang apidabit, na impluwensyahan ang kaisipan ng mga magpapasya sa Court of Appeals para acquit si Smith at madaling ipatanggap sa mamamayan ang acquittal.

Wala naman talagang kabuluhang ligal ang March 12 Affidavit, na ninotaryuhan at sinumpaan sa harap ng isang abugado ng bupeteng nagsisilbi kay Smith, sa pagpapasya ng apila ni Smith sa kanyang kaso sa Court of Appeals dahil hindi naman na pinag-uusapan sa CA ang mga “bagong ebidensya”. Pero para sa akusado at sa mga abogado nito, malaki ang magagawa ng “ganitong salaysay” para impluwensyahan ang kaisipan ng mga magpapasya tungkol sa apila ni Smith.

Liban pa, mahalaga para sa pro-VFA na administrasyong Arroyo ang ganitong salaysay. Maliwanag na may mga pahayag ang ilang tao ng Malakañang na nagpapahiwatig na umaasa silang mampapawalan-sala si Smith ng CA at sa gayon, mapapahupa ang tension tungkol sa di pagbabalik kay Smith sa kulungang Pilipino at tungkol sa pagiging makaisang panig ng VFA.

Sa pangwawasak sa kredibilidad ni Nicole, nais din ng gubyerno na patayin ang kilusan para sa katarungan kaugnay ng Subic Rape Case at buhusan ng malamig na tubig ang umiinit na panawagan para sa pagbabasura ng VFA.

Pansinin nating masyadong pinatitingkad ang puntong nasa US na si Nicole. Ganoondin ang puntong tinanggap na niya ang inutos ng korte na P100, 000 kabayaran ni Smith sa danyos.

Kung tutuusin, wala namang katiyakang nasa US nga si Nicole At ang pananagutang sibil, ang P100,000 kabayaran ay ayon sa pasya ng nakabababang hukuman. Inilabas ito sa publiko at lubhang pinagdidiinan para palabasing “cheap” talaga si Nicole. Ito ay karagdagang paglulublob ng mukha ni Nicole upang lubos na mawasak ang kanyang kredibilidad at ng mga nagtaguyod sa kanya. Sa gayon nila nakikitang mapapatay o kahit pansamantalang mapipigilan ang lalo pang pag-init ng panawagan para sa pagbabasura ng VFA.

Hindi mabubura ng March 12 Affidavit ang isang mukha ng VFA, ang mukha ng karahasan sa kababaihan na maliwanag na inilarawan ng Subic Rape Case

Malaki ang kabuluhan ng Subic Rape Case at ng pagtindig ni Nicole para ilantad at ipaglaban ang katarungan para mailadlad ang marahas na mukha ng VFA. Naipakita ng laban ni Nicole ang matagal nang ibinababala ng mga organisasyong pangkababaihan na sa pagkakaroon ng VFA, lalo lamang nailalagay ang kababaihang Pilipino sa panganib na makaranas ng pandarahas militar.

Maliwanag na inilantad ng paglaban ni Nicole at ng mamamayan ang matagal na nating sinasabing kinukunsinti ng pwerang militar ng US ang panggagahasa ng kanilang tropa sa ginagawa nitong pagtatakip at pagbibigay proteksyon sa akusado. Pinatutunayan nitong hanggang ngayon, dala-dala pa rin ng pwersang militar ng US ang patriarkong kulturang militar na tumuturing sa katawan ng kababaihan bilang premyo o pabuya sa mga pagod na katawan ng kanilang mga sundalong nagtatanggol sa mga estratehilong interes ng imperyo.

Hindi mabubura ng March 12 Affidavit ang isa pang mukha ng VFA na inilarawan ng Subic Rape Case, ang VFA bilang pagyurak sa soberanya ng bayang mahina.

Matagal na ring nagbabala ang mga taong masikhay na nagsuri sa VFA bago at matapos itong pagtibayin ng Senado. Marami ang di-pantay na prubisyon nito at lubhang dehado ang Pilipinas. Kasama sa mga prubisyong dehado ang Pilipinas yaong tungkol sa: kawalang karapatan ng gubyernong Pilipinas na tsek-apin ang mga ipinapasok na armas ng US sa Pilipinas, na tsekapin
kung may mga nakahahawang sakit ang mga sundalo, na tingnan ang kanilang mga passport o hanapan ng visa, na buwisan ang kanilang mga ipinapapasok na produkto at sasakyan galing sa labas at ang tungkol sa Criminal Jurisdiction na siya ngang nasalang sa kaso ng Subic rape.

Pinatunayan ng Subic Rape Case at ng paglaban natin para sa katarungan kaugnay nito na hindi puro pangamba lamang ang mga babalang iyon. Mula noong mangyari pa lamang wala na ang kustodya sa suspects sa kamay ng Pilipinas. Noong makasuhan na, at dapat madetain na ang mga akusado, tumanggi pa rin ang gubyernong US na ibigay ito sa Pilipinas. Noong masentensyahan na si Smith at nagpasya na ang Huwes na sa Makati City Jail ito ikulong, kinutsaba pa rin ng US government ang gubyerno ni Arroyo upang bawiin si Smith at ilagay sa air conditioned na kwarto ng US Embassy. Lagi’t lagi ang prubisyon ng VFA tungkol sa Criminal Jurisdiction ang isinasangkalan. Pero kahit na nitong nagpasya na ang Supreme Court na hindi ayon sa VFA ang pagbalik kaya Smith sa US Embassy, tumatanggi pa rin ang US na ibigay si Smith sa awtoridad na Pilipino para ikulong sa Pilipinas.

Hindi pa tapos ang laban ganoon man ang inabot ng pampipresyur kay Nicole

Lampas kay Nicole ang laban para sa katarungan kaugnay ng Subic Rape Case. Ito ay laban ng kababaihang Pilipino at ng mamamayang Pilipino sa kabuuuan.

Patuloy nating igiit na maparusahan si Smith. Kontrahin natin ang pressure sa CA na pawalang-sala si Smith at igiit nating maikulong si Smith sa isang penitentiary (kulungan ng mga napatunayang nakagawa ng mabigat na krimen) sa Pilipinas.

Patindihin natin ang paglaban sa VFA at buhaying muli ang isang kilusan para pawalambisa ang VFA. Gagamitin pa rin nating pambala laban sa VFA ang Subic Rape Case at ang dinaanan nito. Pero daragdagan natin ng maraming iba pang pambalang naipon natin sa sampung taon ng pag-iral nito. Kabilang dito ang pag-iral ng mga pasilidad o base militar ng US sa Pilipinas; ang
paglulunsad ng US, sa pamamagitan ng VFA ng unconventional warfare o isang klase ng pakikipaggera sa Mindanao; ang pagkakasangkot nila sa pamamaslang ng mga sibilyan kasama na ang isang babaeng buntis at mga bata; ang dislokasyon sa mamamayan dulot ng kanilang exercises at gera; ang pagkakatulak sa kababaihan, bunga nito, na maramihang mag-OFW lalo na tungo sa Malaysia at mahulog sa ibayo pang pagkakapahamak; at ang papel ng mga sundalong US sa patuloy na pandarambong ng likas na yaman sa Mindanao.

Ituloy natin ang paglaban para sa katarungan.
VFA: Ibasura!
Pambansang Komiteng Tagapagpaganap
KAISA KA
Marso 21, 2009

No comments: