(please email to kpd_cebu@hotmail.com or at emalyn.aliviano@gmail.com for more readings and discussion schedules)
Tapos na ang pinakamagastos na eleksyon. Marami na ang naiproklamang nanalo sa lokal na antas at maging ang 12 nanalong senador. Sa kalahatan, sa itinakbo man ng kampanya hanggang sa resulta, maliwanag na maliban sa pagiging automated ng canvassing dulot ng Precinct Count Optical Scan o PCOS, lumang pulitika pa rin ang umiiral, isang pulitikang bulok ng mga uring mapagsamantala’t mapang-api at pinakikialaman ng pwersang dayuhan.
Guns, Goons and Gold at Iba pang Maniobra para Manalo
Malawakang ginamit sa nakaraang election period ang tinaguriang 3Gs – guns, goons at gold at iba pang iligal na maniobra para manalo ang maraming kandidato. Ito ay liban pa sa iniimbestigahan ngayong sinadyang pinatagal na pagtesting ng mga PCOS machines para sa pagbwelo pa ng mga maniobrang magamit ito sa operasyong dagdag-bawas.
Hindi iilang “isolated cases” lang ang karahasang nangyari kaugnay ng eleksyon. Ginamit ang pananakot, panggugulo at karahasan sa mga baluarte ng mga warlords sa ilang bahagi ng Mindanao at Luzon na nagresulta ng failure of election sa ilan sa mga ito. Umabot ng mahigit 80 ang napatay kasama na ang masaker sa Maguindanao kaugnay ng eleksyon, may kaso ng panununog ng mga PCOS machines at may mga pagpapasabog malapit sa lugar ng botohan sa mismong araw ng eleksyon.
Sa laki ng pinagalaw na pera sa panahon ng eleksyong 2010, sinasabing ito na ang pinakamagastos na eleksyon, hindi lang sa puntong malaki ang ginastos sa automation, kundi higit pa, sa ginastos ng mga pulitiko para makahakot ng mga boto.
Garapalan ang pamimili ng boto. Sa maraming maralita, karaniwan na ang mabigyan ng ilang daang piso ng mga lider ng mga kandidato. Sa ibang lugar, umaabot ng ilang libo ang bilihan ng boto.
Dagdag pa, umulan ng milyon para sa mga political ads, sa isang panahong saklot ng matinding kahirapan ang sambayanan.
Halimbawa,sa telebisyon pa lamang, kalahating bilyon ang gastos ni Sen. Manny Villar (na kinampihan ng mga ‘militanteng’ senatoriables na sina Satur Ocampo at Liza Maza ) bago pa man simulan ang 90-day campaign period nuong Pebrero 9 habang mahigit PhP 184 Milyon kay Gibo Teodoro at Php 127 Milyon naman kay Noynoy Aquino.
Bukod pa ito sa 106 Milyon halaga ng ads ni Villar; 83 Milyon ni Aquino; 72 Milyon ni Estrada at 48 Milyon naman ni Gordon sa panahon ng official campaign period. Ayon sa Philippine Information Authority (PIA), lumobo ang gastos sa advertisements ni GMA na naitala sa Php 6.34 Bilyon nuong 2009 at Php 843 Milyon nuong unang bahagi ng 2010 upang maibangon ang negative 53% net satisfaction rating nito.
Naglitawan, ilang araw makaraan ang halalan, ang mga nag-aakusa at nagpapatunay ng pagkakaroon ng malakihang “hocus-PCOS” ng ilang mga kandidato. Seryoso ang mga akusasyong ito lalo’t tulad sa nakaraang mga halalang 2004 at 2007, nasangkot maging ang mga pinakamatataas na opisyales ng COMELEC.
Mga Angkang Pulitikal at Elite ang Nagdomina
Dominado ng mga angkang pulitikal ang nakaraang eleksyon. Ilang dekada nang nakaluklok sa poder ang marami sa kanila tulad ng mga Marcos ng Ilocos Norte, Singson ng Ilocos Sur, Ortega ng La Union, Joson at Umali ng Nueva Ecija , Dy ng Isabela, Macapagal-Arroyo ng Camarines Sur, Lobregat ng Zamboanga at Duterte ng Davao. Pagpapakita ito ng pangingibabaw pa rin ng pulitika ng pyudal na patronaheng nagpapairal ng mga dinastiyang pulitikal.
Samantala,natalo naman ang mga alternative politicians tulad ni Padaca (Isabela) at Panlilio (Pampanga) sa kamay ng mga trapo.
Sa esensya, walang binago sa dating karakter ng eleksyon na anti-demokratiko at pang-elite. Nanatiling isang ‘pambihirang pagkakataong’ ibinigay ng naghaharing-uri ang eleksyon para makapamili ang mga pinagsasamantalahang uri kung alin sa mga paksyon ng mga mapagsamantala ang sya namang hahawak sa poder sa isang takdang panahon.
‘ANTI-GMA’ SENTIMENT
Sa araw ng halalan, dumagsa ang 75% ng 50.8 Milyong botante o mahigit 38 Milyon. Pitumpu’t limang porsyento (75%) ng 50.8 milyong botante o mahigit 38 milyong naging turn-out ng boto, ito’y sa kabila ng milyong hindi nakatiis sa mahahabang pila at init ng panahon (self-disenfranchisement) dahil sa clustering ng mga presinto at hindi mahusay na napamahalaan ang paglobo ng mga botante.
Ang malaking turn-out ng mga botante na ito ay binunga ng matinding anti-GMA sentiment sa hanay ng mamamayan at ng masiglang pagtambol sa kahalagahan ng boto/pagboto sa mass media na ikinakawing sa “pagbabago”.
Patunay sa malawakang pagtatakwil ng taumbayan sa rehimeng Arroyo ang pagkatalo ng mga ilang alyado na mahigpit na kakabit ang pangalan sa administrasyon ni GMA tulad nina Gibo Teodoro, ‘Villarroyo’, Gonzales (Iloilo), Nograles (Davao), Devanaderra (Quezon), Bolante (Capiz) at Mike Defensor (Quezon City).
TUNGO SA ‘MAPAYAPANG’ TRANSISYON
Sa pangkalahatan, laluna kung ikukumpara sa mga nakaraang halalan, nakaraos ng matiwasay ang katatapos na halalan. Nakatulong ng malaki dito ang masinsing pagsubaybay ng media at panawagan sa marami, laluna sa kabataan, na bantayan ang kanilang mga boto. Malaki rin ang naiambag dito ng foreign media partners’ ng lokal na mga broadcast media; gayundin, ng halos isandaang dayuhang election watchdogs na kabilang sa dalawang grupong dumating para subaybayan ang takbo ng halalan.
Mahalaga ang pagkakaroon ng kapani-paniwalang resulta ng halalan sa mata ng mamamayan para bigyang-daan ang patuloy na dominasyon ng naghaharing uri (will rule ‘unchallenged’). Kaya di nakapagtataka na gayung ‘di pa tapos ang bilangan, ay inulan na nang papuri ang nakaraang halalan para sa ‘peaceful transition ng kapangyarihan’ mula sa US at European Union. Maagap ding nagpahayag ng papuri ang iba pang seksyon ng reaksyon tulad ng simbahan at big business.
PAKIKIALAM NG U.S.
Sinyal na ang pagkakalagay kay Aquino sa pabalat ng TIME MAGAZINE (at ang kaakibat na pagiging paksa ng cover story) sa huling bahagi ng campaign period na siya na ang “binasbasan” ng US na hahalili kay GMA. Ito ay matapos tiyakin ng US ang komitment ni Aquino sa tatlong mahahalagang usapin: Charter Change (magsasagawa ng referendum), Visiting Forces Agreement (magsasagawa ng review habang tuloy-tuloy ang pag-iral ng war games sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas) at pagpapatuloy ng presensya ng US troops sa Mindanao na sumusuhay sa pang-ekonomya at pangseguridad na layon ng US sa rehiyon.
Nagdeploy din ang US Embassy ng 120 observers upang bantayan ng husto ang naturang halalan. Bukod pa sa nauna na nitong kinausap si GMA upang seguruhing itutuloy ang Eleksyon 2010 at madulas na pagsasalin ng kapangyarihan.
Ang tuwirang pakikialam na ito ng US (na di naman unang beses sa kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas) ay mapagpasyang tugon nito sa matinding krisis pulitikal na ibinunga ng mahigit sampung taong paghahari ni GMA.
KRISIS PULITIKAL
Kung babalikan, naranasan ng mamamayan ang ibayong kahirapan at pagsasamantala sa ilalim ng rehimeng GMA. Kahit nailantad na ng pandaigdigang krisis (global crisis) ang kabangkarotehan ng neoliberal na mga patakarang pang-ekonomya, sunod-sunod pa rin ang mga pinasok na kasunduan upang higit na dambungin ang bayan ng dayuhang namumuhunan. Lumobo nang todo ang utang kaya mayroon na tayong $400 B depisit at karagdagang $ 2.5 B pagkakautang pagpasok pa lamang ng taong 2010! Nagdulot ito ng ibayong kahirapan ng mamamayan at galit sa pamahalaang Arroyo.
Makailang-beses nang nagtangkang palawigin ang kanyang termino (habang pinatutupad ang kagustuhan ng US) sa pagbubuhay ng charter change. Hindi nagtatagumpay si GMA na itago sa mamamayan ang kanyang imbing layunin kaya lalo siyang umaani ng pagbatikos.
Natatangi ang papel ng rehimeng GMA sa pagpawi ng anumang balatkayo sa mga sinasabing “demokratikong proseso”. Wala itong pag-aalinlangang baluktutin ang iba’t-ibang sangay ng gubyerno (AFP, PNP, hudikatura at mga batas) maitawid lamang ang makitid na interes nito.
Dito nagmula ang pinakamatitinding paglabag sa karapatang pantao tulad ng state-sponsored killings (extra-judicial killings), enforced disappearances at abductions; calibrated preemptive response o CPR upang supilin ang demokratikong karapatan ng mamamayan at ang executive privilege para makaiwas sa imbestigasyon ng mga anomalyang kinasasangkutan nya at ng kanyang mga kaanib.
Para sa US, ang patuloy na paghahari ni GMA ay naglalagay sa buong sistema sa bingit ng alanganin at kung gayo’y balakid sa pagpapatupad ng imperyalistang interes at pagpapahigpit ng kontrol at dominasyon nito sa bansa.
Ito, kasama ng paglakas ng kilusan para sa ‘malinis,matapat at mapayapang eleksyon’ ay kagyat na nagpakitid sa mga maniobra ni GMA para sa pagnanais at pagsisikap na palawigin ang kanyang poder.
Gayunman, nakita nating patuloy na humakbang si GMA upang patatagin ang kanyang pagkakapwesto sa kapangyarihan sa pamamagitan ng iba’t-ibang maniobra. Tumaya siya kay Sen. Manny ‘Villarroyo’. Nagpapasok siya ng napakaraming pro-admin partylist upang palaparin ang kapanalig sa Kongreso. Tumakbo siya bilang Kongresista ng 2nd district ng Pampanga at tiniyak ang pagkamit ng ‘landslide victory’.
Maging ang pagkaka-appoint kay Justice Renato Corona bilang Chief Justice sa pagreretiro ni Chief Justice Reynato Puno ay bahagi ng pagpapatatag, kumbaga’y depensa sa anumang aksyon mula sa bagong administrasyon sa pagkawala ng executive immunity ni GMA.
POLITICAL INSTABILITY
Bago na ang rehimen—sa puntong ibang mukha na ang president at bise-presidente at tiyak na mabubuo ang bagong gabinete.
Gayunma’y hindi nagbabago ang komposisyon ng Senado at Kongreso na sa kalakhan ay binubuo pa rin ng mga trapo at mga myembro ng mga dinastiyang pulitikal. Nagpalit man ng kabayo, wika nga, nananatili ang karwahe ng elitistang paghahari sa bansa.
Mayroon mang maliit na seksyon ng mga tinuringang ‘progresibo’ sa hanay ng Liberal Party, nanatiling hamon sa mga ito ang makapagpatupad ng mga polisiyang paborable sa sambayanan.
At sa kabila ng mga deklarasyong magiging madulas ang pagpapalit ng rehimen mula kay Arroyo patungong Aquino, ang patuloy na pagmamaniobra at paggugumiit ni GMA ay maaring pagmulan ng political instability sa bagong administrasyon.
Hindi nito sinisikreto na hangad nyang mahawakan ang House speakership, bilang tuntungan patungong Prime Minister kapag nailusot ang pagbabago sa Konstitusyon. Kaugnay nito, lumulutang na ang mga balita ng posibleng merger ng Liberal at Nacionalista sa Senado bilang pantapat sa Kongreso na maaring madominahan ni Arroyo at mga kaanib nito.
Tiyak na makakabangga ni Aquino maging mga kaalyado nito kung sakaling seryoso nitong haharapin ang pagtugis sa mga korap (tulad ni GMA, FG at Bolante) sa pamahalaan. At kung hindi nama’y mabilis itong mailalantad sa mata ng publiko sa pagkakataong napako ang esensya ng kanyang pangako nuong halalan.
Mahirap asahang susuwagin ni Aquino ang interes ng US para itaguyod ang interes ng mamamayan. Sa survey results ng CBCP, pabor ito sa pagpapatuloy ng Mining Act, patuloy na pribadong paglilinang ng mga karagatan, kagubatan at kabundukan habang di ito sumasang-ayon sa tunay na repormang agraryo at pagtanggal ng political dynasty at pork barrel. Hindi din ito sang-ayon sa pagtanggal ng ligal at illegal na sugal.
Maging ang mga unang pahayag nito kaugnay ng mga bagong fiscal policies ay hindi naglalayong putulin ang kontrol ng imperyalistang US sa ekonomiya ng bansa. Ibig sabihin, patuloy lang ang pagpiga sa kawawang si Juan dela Cruz.
TRACK RECORD NI NOYNOY
Si Noynoy ay anak ng dating president Cory Aquino at ni Ninoy (na naging rallying figure ng pakikibakang anti-diktadura/anti-pasista). Mula siya sa mga prominenteng angkang pulitikal at nagmamay-ari ng 4,100 ektaryang Hacienda Luisita na di maipamahagi sa mga magsasaka (di umano’y mayron pang mga utang ang naturang lupa na kailangang isaayos bago mailipat sa mga magbubukid) hanggang ngayon.
‘Di gaanong maningning (unexceptional) ang rekord pampulitika ni Aquino sa tatlong termino nito bilang congressman ng Tarlac at dalawang termino bilang senador hanggang kasalukuyan. Sa panahong wala itong naipanukalang bill na na-ratipika bilang batas sapagkat, aniya, napakarami nang magagandang batas kung kaya’t implementasyon ng mga ito na ang kailangan.
Ang popularidad ni Noynoy Aquino ay nagsimula pagkalibing ng kanyang inang si dating Presidente Cory Aquino nuong Agosto -- si Cory ay ginawang simbolo ng pagnanais ng mamamayan na mapatalsik si GMA. Ito ang kondisyong tutuntungan ng panawagan sa pagtakbo ni Noynoy sa pagkapresidente – ang pagpapatuloy ng ’pagbabago’ at pangakong pagpawi ng kurapsyon sa paggugubyerno.
1 comment:
Ang eleksyon ay reporma lamang at hindi ang tuloyang pagbabago ng ating lipunan. ating subaybayan ang pangako ng ating mga kandidato,kung tutuparin ba nila ang kanilang mga pangako. gayon paman ating palakasin ang ating kilusan upang ang tagumpay tungo sa pagbabago ay makamtan.
Post a Comment