(Tula ng Pagpupugay kay Bro. Manuel Gorgonio ,
Mayo 25, 2010)
Ang balita’y gumulantang na tila bangungot:
Ang mga anyubog sa ibabaw ng Entablado
sa Atrium ng San Fernando*
Ay nagmistulang trahedya sa teatrong Griyego –
Ang Koro na nakatalukbong ng luksang belo
Ay Masang Itim na namimilipit at nananangis
Sa pagdadalamhati sa isang yumao:
Ka Manny… Ka Manny… Ka Manny!
Patay na si Manuel “Ka Manny” Gorgonio;
Iyo’y malupit na hagupit ng latigo
sa tulingag naming isip:
Paano mamamatay si Brother Manny?
Bakit mamamatay ang isang Buhay na Santo?
Nakangangang sugat ang aming utak,
At bawat liha’y maantak sa taga ng gunita:
Brother Manny has no mean bone
in his body!
Hindi siya marunong magalit,
hindi nagtatanim ng sama ng loob;
Hindi nanlulupaypay anuman ang hirap
at dami ng pagsubok;
At sa piling ng masa at mga kasama’y
masayahin at maalalahanin,
mapagmahal at masuyo.
Ikinulubong namin ang nakalukob na Karimlan
Bilang paikpik na pagluluksa sa pagpanaw
Ng isang matapat na lingkod ng sambayanan
At isang tahimik subalit masugid na Patrono
Ng teatro ng tunay na kondisyon at mithiin
ng ordinaryong mga tao ng lipunan.
Akbayan mo kami, Ka Manny, sa paghatol
Sa mga tunay na makabuluhang dula ng Buhay!
Kasangga mo sina Fr. Manix, Ka Jean (SLN),
at Ka Arthur,
At sa ilalim ng Campus Youth Ministry,
Hindi na mabibilang sa daliri ang palihang
pangtanghalan
Na nailunsad natin sa USC* sa lahat ng antas –
Hindi lang sa mga estudyante, pati sa mga guro,
pari at madre!
Hindi lang -- ilang mga Youth Camps
sa loob mismo ng kampus
Ng Boys’ at Girls High hanggang sa Talamban;
At ilang makabuluhang pagtatanghal
ng mga Carolinian:
Maalab pa rin sa gunita hanggang ngayon
ang Sa Liyab ng Libong Sulo!
Hindi pa rin napupugto ang tanglaw sa puso
ng Ilawan natin ang Parol!
Sa alinsangan ng belo ng pangungulila
At sumisikil na lupit ng mahabang Tagtuyot,
Naligo kami sa luha-at-pawis na ulan ng Mayo
Hanggang sa humupa ang daluyong
ng Unos sa aming loob;
At bigla, ang mga dula sa Luid Ca,
Theatre Festival ng Teatro Fernandino,
Ay naging mga laman-at-dugong katotohanan
ng tanghalang Brecht
At ang Koro ay may hatid na pagkain ng isip
at ng kaluluwa
Sa walang-kamatayang pamana at habilin
Ng mga Ka Manny sa panlipunang Kilusan
at pangmasang Pakikibaka.
Si Ka Manny ay naniniwalang Babae at Ina nga
Ang angkop na sagisag ng miserableng bayan
Na ang buong Katawang Likas-yaman
Ng patriyarkiyang pyudal at imperyalistang
kasakiman;
Kalikasang-buhay ay nalugas-napagas
Hanggang kaibuturan ng Sinapupunan:
Tulad ng panggagahis at prostitusyon
ng kababaihan
Sa mga dulang Bubog at Binhi
At Panggagahasa sa mga Mariposa ng Langit.
Ang katauhan ni Ina Cabangon sa dulang Selda
Ay hindi na lamang kathang-isip para sa iyo
At ang mulat na Babae
Ay hindi lamang sa panahon ng aktibismong
tinaguriang First Quarter Storm.
Alam ito ni Ka Manny – tinipon sa diwa’t
naging Simulain
At inihasik nang masinop at mainsin
Saanman dalhin ng walang-pagod na mga paa
Bilang bahagi ng kanyang pananagutan
at komitment
Sa Community Extension Program ng USC
Gayundin sa maka-Kalikasang VMPRDC:
Sa kababaihan ng parokya ng Arnold Janssen
sa maralitang komunidad ng Alumnos;
Sa mga maybahay ng mga mangingisda
sa Lapulapu;
Sa mga asawa ng mga magsasaka
at sa mga guro ng Lusaran;
Sa kababaihan sa bulubundukin ng Dalaguet
at sa aplaya ng Compostela;
Hanggang sa mga ina’t kaanak ng mga batang
Natabunan ng putik sa isang mababang paaralan,
At marami pang ibang biktima,
sa St. Bernard, Ginsaugon, Leyte;
Habang pinasisigla ang lahat sa rehabilitasyon
ng mga bakawan;
Sa bayanihan sa pagsasaka at pagsasaayos
ng irigasyon;
Sa pagtatanim ng mga puno sa gilid
ng mga paltok
Na peligrosong gumuho sa bahayan at bukirin
sa palibot;
Sa pagtutulungang lumikha ng sistema ng tubig
Mula sa malinis na bukal sa tuktok ng bundok
patungo sa sambahayan sa paligid.
Upang ang pagmamahal, paggalang
at pagpapahalaga
Sa Bayan-Kalikasan at Kababaihan –
Ang Kambal na Bukal ng Buhay,
Ay mapatagos sa kasalukuyan hanggang
sa Hinaharap
Habang nag-uugat nang malalim at mahigpit
Sa papel ng babae sa historical na panlipunang
Pagbabago.
Tulad ng dulang Gabriela Silang
na hinango sa Rebolusyong Pilipino.
Hindi na nga ba masaya ang mga bata
sa kanilang larong Bahay-bahayan
Tulad ng gustong ibahagi ng dula?
Dahil kayrami nang mga batang inulila
ng abusado’t abandonadong mga ama
Dahil kayrami nang mga batang nangungulila
sa Tahanan?
At ng mga inang ang pagkatao’y binasag ng dahas?
Si Ka Manny ay hindi lamang mapagmahal
na asawa,
Siya’y mapag-aruga ring ama;
Hindi lamang sa sariling mga anak
Kundi sa kayrami-raming mga bata ng Cebu:
Ama-amahan siya ng mga Carolinian;
Ng mga bata’t kabataan ng Lapulapu at Lusaran;
Ng mga abused children and youth
Sa pangangalaga ng mga Salvatorian Sisters;
Ng mga kabataang aktibista ng YND at KPD
At mga batang artistang-bayan ng Sining Dilaab.
Lahat sila’y nakapaglalambing kay Ka Manny:
Nakapanghihingi sa kanya ng barya pambili
Ng kendi, o biskwit, o ice-water, sopdrink,
Tigpipisong sitsirya, pandagdag sa pamasahe;
Liban pa sa kusang pinasasalubungan sila ni Ka Manny
ng mga tinapay at kakanin.
Sa piling ng mga kabataang ito, hindi siya
nakabibitiw agad;
Sapagkat sa gitna ng mga baguntaong ito
ng ating lipunan,
Nakakadalaw si Ka Manny sa Kinabukasan!
Mahaba na po ito pero hindi pa rin namin
matapus-tapos
Hindi pa rin namin mabigyan ng wakas.
A, naggugumiit pa rin sa ang kamalayan
ang mga tampok na patibay
Ng isang mataos at magiting na buhay ng pag-aalay:
Si Ka Manny sa Education Summit, sa Break-the-Debt
Cycle Movement, sa Anti-VFA Campaign, atbp.,
at marami, maraming-marami pang iba!
Paano ba tatapusin ang isang mahabang buhay
ng paglilingkod sa taumbayan at kapwa-tao?
Paano ba wawakasan ang napakaikling panahon
ng pamamaalam?
*******
LBdlC para sa Kilusan para sa Pambansang Demokrasya (KPD)
At Teatrong Bayan, Mayo 28, 2010
2 comments:
is this by from Levy Balgos Dela Cruz??
Yes this is from our mentor and the person-we-will-always-be-proud, Mr. Levy Balgos Dela Cruz
Post a Comment