Buwan ng Hunyo: tapos na ang dalawang buwang bakasyon ng mga mag-aaral at kabataan; Araw ng Kalayaan, mga karaniwang kaganapang iniuugnay sa ika-anim na buwan ng taon.
Para sa mamamayan ng Bataan,ito ang buwan pagpapakita pagkakaisa at paninindigan laban sa Plantang Nukleyar , dalawampu’t apat na taon ng nakalilipas.
Huwebes, Hunyo 20, 1985 animo’y ghost town ang buong Bataan - walang pasok sa eskwelahan at pabrika, walang tao sa bukid,walang sasakyan sa lansangan; abala ang mga maybahay sa pag-aayos ng pamatid-uhaw o kaya’y pantawid-gutom sa libo-libong nagmamartsa laban sa Bataan Nuclear Power Plant, ang tinaguriang Halimaw ng Morong. Ang mga barikada’t tangke ng mga Philippine Constabulary (PC) ay walang nagawa sa malakas na daluyong ng mamamayang nagkakaisa.
Makaraang bumagsak ang Diktaturyang Marcos, nagpasya ang pumalit na rehimeng Aquino na huwag nang pagganahin ang kontrobersyal na plantang nukleyar. Marahil nahintakutan sa naganap na pagsabog ng nuclear reactor #4 sa Chernobyl, Rusya. Tinatayang 65 milyong katao ang inabot ng kontaminasyon at mahigit sa 400,000 katao ang sapilitang inilikas sa mga lugar na nakapalibot sa Chernobyl.
Ngayon, habang ang mga komunidad natin ay nakaharap sa bantang panganib ng muling pagpapagana ng BNPP, hamon sa atin ang muling balikan ang tagumpay ng nakalipas na Welgang Bayan.
Sa totoo, naka-amba nang iratsada sa Kongreso ang HB 6300 (An Act Mandating the Immediate Rehabilitation, Commissioning and Commercial Operation of the Bataan Nuclear Power Plant or Bataan Nuclear Power Plant of 2009) sa muling pagbubukas ng Kongreso sa darating na Hulyo 27.
Ang mga pabor sa BNPP sa pangunguna ni Cong. Mark Cojuangco ay inuulit lamang ang mga baluktot na dahilan upang kumbinsihin ang taumbayan na muling pagkagastusan ng milyun-milyon ang planta sa Morong. Ito raw ay magdudulot ng pag-unlad at trabaho.
Pinakita na ng mga naunang pag-aaral sa BNPP na ang pagkakapwesto nito sa gilid ng Bulkang Natib at depektibong pagkakagawa ay mitsa ng kamatayan para sa mga karatig na komunidad at probinsya.
Dahil sa ibinubuga nitong radiation, tumataas ang posibilidad ng pagkakasakit ng kanser at leukemia. Kung magka-nuclear meltdown naman, pulbos ang 50 kilometer radius, habang kontaminado na ang kabuuang isla ng Luzon at ilang bahagi ng Visayas.
Sa totoo, ang pagpapagana ng isang plantang nukleyar ay napakagastos – milyong piso para maipatayo, milyong piso para mag-angkat ng panggatong na uranium, milyon din para sa pagdispatsa ng basura o nuclear wastes.
At pagkatapos ng takdang buhay ng isang planta nukleyar, panibagong gastos na naman ang pagpapasara o de-commissioning! Aba! Sa hirap ng buhay ngayon, marami pang mas magandang pagkagastusan kaysa sa mapanganib na BNPP!
Buhay at kapakanan natin ang nakataya sa usaping ito. Kung kayo’y kumbinsido at desididong labanan ang BNPP, aksyon ang kailangan!
Kausapin ang mga kapamilya at kababayan, kunin ang suporta ng mga taong-simbahan at lokal na opisyal upang mas maraming tao ang makaalam at makialam sa muling pagbubukas ng planta nukleyar. Magtayo ng samahan laban sa planta nukleyar tulad ng Nuclear Free Bataan Movement Network o NFBM-NET.
Sumama sa darating na Hunyo 20 patungo ng Balanga, Bataan at sa iba pang pagkilos ukol sa BNPP. Kailangan ka ng laban na ito.
June 15 Start of Church Bell tolling 4pm Bataan-wide
Morong Torch Parade and Noise Barrage Morong Town Plaza
June 16 Abucay Torch Parade and Noise Barrage Abucay Town Plaza
June 17 Fluvial Parade/Program 1pm Balanga Town Plaza
June 18 Anti-BNPP Forum in the Town of Limay with Torch Parade Limay Town Plaza
June 19 Dinalupihan Torch Parade and Noise Barrage Dinalupihan Town Plaza
June 20 Salakbayan Laban sa Planta Nukleyar
( Commemorating 1985 Welgang Bayan) 1pm Salubong Bgy. Tuyo
4pm Program Balanga Town Plaza
*Log on nfbmnet.multiply.com para sa karagdagang impormasyon. Ipasa ito sa iba pagkatapos basahin.
No comments:
Post a Comment