Go not gently into the night, rage against the dying of the light!

Tuesday, April 8, 2008

Ang kasalukyang Pandaigdigan at Pambansang Sitwasyon: Mga Dahilan, Salik at Epekto sa Mamamayang Pilipino

Draft

Abril 2008


1. Ang kasalukuyang sitwasyon ay kinatatampukan ng pagsasalubong ng pandaigdigang krisis ng kapitalistang sistema at sa gayo’y pagtindi ng krisis ng ekonomya ng Pilipinas at ng matinding krisis ng local na reaksyunaryong sistemang pampulitika.


2. Ibinunga nito ang pagsisimula ng paglitaw’ng muli ng ispontanyong Kilusang masa ngunit nanatiling may mga internal na kaguluhan sa hanay ng kilusang demokratikong kaliwa.


Ang Kasalukuyang Katayuan ng Pandaigdigang Sitwasyon

3. Ang Kasalukuyang Pandaigdigang Sitwasyon ay kinatatampukan ng tuloy-tuloy na kumunoy ng krisis. Ang Krisis ng Pandaigdigang Panlipunang Sistema ay ang krisis na sa katayuan ng Recession. Ito ay makikita na umaapekto hindi lamang sa bayan ng US pati sa hanay na ng mga abanteng mga bansa at ng daigdig.

4. Ang US bilang nanatiling pinakamakapangyarihang bansa ng daigdig buhat ng huling bahagi ng taong 2007 at hanggang sa unang bahagi ng taong 2008 (Pebrero 2008) ay nanatiling nasa 0.06% GDP nito sa gayon nagpapakita ng mga sinyales ng krisis sa recession (isang katayuan kasunod sa dalawang sangkapat sa loob ng isang taon na pagkaurong o negatibong pag-unlad).

5. Ang mga kadahilanan ng nasasabing krisis ay ang mga sumusunod: pagliit ng pagsasagawa ng mga kabahayan at pagliit ng bumibili nito; pagliit ng bentang serbisyo; netong kawalan ng empleyo ng humigit kumulang 85,000 kahit pa sa karagdagang bagong trabaho na lumitaw, lumaki pa rin ang bilang ng mga nawalan ng trabaho; lumiliit (downgraded) na sector ng pinansya; lumuluging sector ng manupaktura.

6. Sa kabila ng mga nabanggit, tinatayang mayroong paglaki ng Consumer-spending sa bayan ng US bagamat sa kabila naman nito ay ang isang kawalan-ng-trabahong-pag-unlad (jobless growth).

7. Ang sinasabing kawalan ng trabahong pag-unlad ay kinadahilanan ng mabilis na pag-usad ng laki ng populasyon sa gayon paglaki ng pwersang paggawa at hindi nasasapatan ng pagpapalitaw ng bagong trabaho.

8. Kahit pa sa mga napalitaw na bagong mga empresa at sa gayon, paglitaw ng karagdagang trabaho ngunit dahil sa pag-abante ng teknolohiya, masaklaw ang tanggalan. Sa gayon, ang bilang ng bagong trabahong pinalitaw ay hindi sumapat at sa katunayan ireresulta ang mahinang kakayahang makabili (low consumer spending).

9. Sa hanay ng mga manggagawang Amerikano kusang pinipili ang pagkaltas ng kanilang sweldo at ng hindi matanggal at ireresulta din nito ang mahinang kakayahang makabili. Sa katunayan, mas lumiit ngayon ang kakayahan ng Amerikanong mangagawa na mamuhay ng matiwasay kumpara ang kondisyon ng mga Amerikanong manggagawa tatlong dekada ang dumaan (ayon ni Nick Beams ng WSWS). Lumiit ito ng may 30%.

10. Malaki ang pag-angkla ngayon ng malaking populasyon ng US sa pautang ng mga bangko. Tinatayang, ito ang kadahilanan na sa kabila ng pagliit ng ikabubuhay ng masang Amerikano, ang pagkalugi ng mga empresa nito at ang negatibong GDP ng halos 6 na buwan (Last quarter of 2007 at 1st quarter ng 2008) ay nanatiling may mataas na ipinakitang consumer-spending ang ekonomiyang US.

11. Ang pagtaas ng consumer spending ng ekonomiyang US ay naging possible sa pagpapaliit ng tantos ng interes (interest rate) ng Federal Reserve Board. May kumpyansang ipinatupad ito ng US sapagkat malaki ang nakuha nitong assets mula sa malalaking pamumuhunan ng salapi ng Tsina. Sa kabilang banda sumusuhay ang pagpapaliit ng tantos ng interes sa paglago ng housing market.

12. Nagiging posible rin ang pagkakaroon ng walang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa US at nanatili hanggang ngayon (liban sa pagkain)ay sapagkat paliit nang paliit ang naging gastusin sa antas ng produksyon bunga ng mataas na produktibidad, higit itong nakakapagsasamantala sa uring manggagawa at lalong-lalu dahil sa kumpas ng Globalisasyon o ang malayang paggalaw (papasok o papalabas) ng mga produkto capital o serbisyo ng mga bansa. Isang malaking pakikitunguhan din ng US ang lumalaking kakayahang umunlad ng ekonomiyang Tsina.

13. Iniresulta ng ganitong galaw ng ekonomiyang malaki ang pag-angkla sa pautang ang pagkalamon ng buong ekonomiya sa pautang sa gayon lumalaking pera ngunit nawawalan/lumiliit ang halaga.

Ang Papel/Lugar ng Krisis o Pagkalugi sa Sub-Prime Mortgage/Housing Loan

14. Ang sub-prime mortgage loans ay isang pagpapautang na ipinapatupad sa pamamagitan ng mga bangko. Ito ay pagpapautang sa mga nakakababang antas ng kabuhayang mga mamamayan ng US. Samakatuwid, ito ay iskemang pagpapabili/pagpapautang ng mga pabahay sa mga nakabababang antas ng pamumuhay o sa mga mamamayang walang kaseguraduhang makabayad.

15. Ang mga unang sinyales ng krisis nito ay nagsimula noong 2006 kung saan inilitaw ang unti-unting pagbagsak ng presyo ng pabahay sa US. Ang mabilis na pagtaas ng operasyon sa pinansya na nakabatay sa pautang nagbibigay- kahulugan sa pagbagsak sa sistemang pinansyal at gayon sa kabuuang ekonomya ng US.

16. Ang batayang problema na udyok ng krisis sa sub-prime mortgage loans ay nang ang mga batayang operasyon ng pautang ng pandaigdigang kapitalistang sistema naapektuhan sa pagsabog o pagkawala ng kumpyansa. Nagsisipagsarahan ang mga malalaking bangko sa pagpapautang ng hindi na nila matantya ang pagkakadawit ng mga maliit na bangko sa sub-prime crisis o di kaya’y sinesigurado nila ang kanilang sariling gastusin o operasyon kailanman sila papalya.

17. Isa sa mga pangunahin pamamaraan na nagpalitaw ng financial bubble na ito ay ang tinatawag na securitization mortgages-ang paggrugrupo ng malalaking bilang ng mga mortgages bilang debt packages at ipinagbibili. Ang proseso na ito ay napagsisilbi at sa katunayan nakapaghain ng malalaking balik sa anyo ng ganansya mula sa mga maliliit na mga bangko patungo sa mga malalaking bangko hanggat ang pagpapautang ay mananatiling nakahain at sa gayon napanatili nitong mataas ang presyo ng mga pabahay.

18. Ngunit taliwas sa inaasahan ang inabot ng pagpaputang sa kadahilanang bawat angat ng nasasabing pinapaketeng mga mortgages ay hindi na natatasa ang mga pinagbibilhan at kalaunan lumitaw ang katotohanang hindi nga ito nababayaran.

19. Dagdag nito ang realidad ng tuloy-tuloy na kawalan taas ng sweldo ng masang manggagawa ng US at krisis sa hanay ng mga bangko na ibinunga nito.

20. Nagpapakita ang epekto ng pagsabog ng krisis sa pinansya sa buong ekonomya (komersyo, industriya atbp) ng US. Ang mga namumuhunang kapitalista mas pinipili ang pamumuhunan sa seguradong-balik ng kanilang capital katulad ng pagkain, langis, jewels. Ireresulta nito ang pagtaas ng presyo ng mga naturang mga produkto.

Ang Epekto ng Pandaigdigang Krisis sa Pilipinas

21. Sa pag-aaral ng nagiging epekto ng krisis sa pandaigdigang saklaw sa konteksto ng Pilipinas ay ating balikan ang katangian ng sistemang pang-ekonomya ng Pilipinas. Matatandaang malaki ang pag-angkla ng Pilipinas sa importasyon ng mga mahahalagang kalakal katulad ng mga makinarya, gamit sa produksyon sa agrikultura at industriya, gamit sa bahay at gamit sa katawan. At sa gayon din ang pag-angkla naman ng ekonomiyang US sa Pilipinas sa mga hilaw na mga materyales kasama ang murang lakas paggawa. Ito din naman ang malaking pinakukunan nito ng sobrang-ganansya sa pamamagitan ng pamumuhunan sa loob ng ating bansa. Sinusuhayan naman ng relasyong ito ang Pilipinas ng pautang para sa sarili nitong pantustos bunga ng pagigigng/nanatiling-atrasadong bayan nito. Ito din ay nagpapakita sa pagsasanto ng Pilipinas sa Globalisasyon na pangunahing udyok ng US.

22. Hindi makakawala ang Pilipinas sa krisis na kinakaharap ng US at ng buong daigdig. Kagyat itong sumandig sa pagsasabili ng mga Treasury Bonds sa mga mamamayan at hindi na makakaangkla sa Dayuhang pangungutang.

23. Masasabing ang paglakas ng Peso ay madaling maintindihan sa konteksto ng Krisis ng Dolyar ng US taliwas sa ipilalaganap ng Regimeng GMA na paglakas ng ekonomiya ng Pilipinas. Madali naman itong makita sa kakayahan ng peso makabili (purchasing power). Tinatayang mas maliit ang kaya nitong mabili kumpara sa 30 taong nakaraan. Ang ipinagmamalaki ng Gubyernong GMA na sa kadalasan ay inihalintulad ang sagana ng ekonomiya ng bansa sa presyo ng galungong ay sa katunayan ngayon ay Php140.00 kada kilo!!

Ang Nakaabang Krisis ng Suplay ng Bigas

24. Papalala pa ang hambalos ng krisis na sa kasalukuyan ay ramdam na natin at ito ay nagpapakita sa nag-aabang kawalan ng suplay ng bigas. Nagsipagtaasan na ang presyo ng bigas na umaabot na ng Php30-40.00 kada kilo! Linggo-linggo ang pagtaas nito!

25. Bilang isa sa mga pangunahing tagapag-prodyus ng bigas sa Asya, tinatayang ang kawalang suplay ng naturang produktong ito ay sa kadahilanan ng mga sumusunod na salik: 1. ang pagsasaprayoridad ng bansa at ng Rehimeng GMA sa pag-angkla sa importasyon ng murang bigas mula sa ibang bansa kaysa sa pagsusuporta/pagsusubsidyo sa sarili nating produksyon ng bigas; 2. Ang katotohanang sa pagsasapamilihan ng bigas ay malaki ang nagiging papel ng mga traders sa pagprepresyo at pagpapalabas-ng-suplay bunga ng pagsasapribado ng sirkulasyon sa mga mahahalagang produkto katulad ng bigas. Sa katunayan, totoong mayroong mga tinatawag na rice cartels kinabibilangan ng 7 Pilipino-Tsinong nagnenengosyo sa pagsasapamilihan ng bigas at ang operasyon nito ay saklaw ang buong bansa; 3. Ang kawalang-pangmasang katangian ng institusyon ng NFA at DA para sa pagsusporta sa mga magbubukid sa usapin ng produksyon at pagsasapamilihan ng bigas na nagpapakita ng lantad na pagiging maka-elitistang katangian nito na ibinunga ng burukrasyang hindi nagsisilbi sa masang anak-pawis.

26. Makikitang walang ginawa/nagawang mga resolusyon ang Rehimeng GMA sa pagresolba sa problemang kinakaharap kung meron man ay nananatiling mga paunang-lunas na mga programa/proyekto at hindi pangmatagalan at sustenable. Sa buwan ng Marso, nagpaabot ng Subsidyo para sa sa produksyon ng bigas ng Php2.85 bilyones at karagdagang suporta sa pamamagitan ng food coupons ngunit hindi nito nabigyang lunas ang pangamba ng krisis ng bigas bagkus nagsisipaghabaan ang pila ng pagbili ng murang NFA rice sa mga outlets at retailers nito.

Ang Tuloy-Tuloy na Krisis sa Ekonomya

27. Walang humpay rin ang pagsispagtaasan ng presyo ng iba pang mga bilihin katulad ng gasolina, tinapay bunga ng pagtaas ng presyo ng harina mula Php2/pandesal magtataas ito ng Php3/pandesal, ng gulay at karne.

28. Ang pagtaas ng presyo ng mga nasabing mga agricultural na mga produkto ay sa kadahilanan ng mga sumusunod: 1. Ang pagtratransporma ng mga lupain mula pangunahin para sa pagkain ay ginagaawang taniman ng mga mais o tuba-tuba, pinagkukunan ng bio-fuel; 2. Ang tuloy-tuloy na mga konbersyon ng mga lupain sa iba’i-ibang komersyal na pangnenegosyo kung di man sa espekulasyon.

29. Kaya hindi katinga-tingala na umaabot na ng 27.6 milyong Pilipino ang dumaranas ng napakababang kalidad ng pamumuhay o nasa below poverty line (Ayon sa NSCB '08).

30. Sa kabilang banda, Walang inaasahang magandang makukuhang mga benepisyo ang uring manggagawa ng Pilipinas lalo na sa usapin ng makabubuhay na sweldo. Nanatili itong hindi nakabubuhay lalong lalo na ngayon bunga ng hambalos ng krisis na pangunahing umaapekto sa pagkain.
Ang Aasahan ng mga Manggagawang Pilipino

31. Sa katunayan, ang inihahanda ng Rehimeng GMA sa pakikipagsabwatan nito sa mga alipures sa Kongreso ay ipapasa ang Batas na Magbibigay ng eksemsyon (exemption) sa pagbabayad ng buhis (withholding tax) ng mga manggagawang tumatanggap ng mababa o sa minimum wage. Sa biglang tingin, ito ay makakatulong sa Pilipinong masang-anakpawis sa usapin na totoong mabigat ang pasaning ito bunga ng mataas na pagkakaltas sa withholding tax. Sa kabilang banda, kung atin itong lubos na masisiyasat ay sinusuhay/tinatanggap ng Magiging-batas na ito ang kasalukuyang katayuan ng uring mangagawa na magpapakasapat sa kasalukuyang tinatanggap na sweldo na kailanman hindi nakabubuhay. Kaya din nitong buksan ang usapin ng iba pang mga karagdagang iskemang pagbubuhis na natural na pinatutunguhan ng Gubyernong ito.

32. Binabagabag ang uring manggagawa sa tuloy-tuloy na iskema ng Kontraktwalisasyon lalo nitong pinapatay ang karapatan at kakayahan ng mga uring manggagawa na idedepensa ang sarili. Lalo ding pinawawalang bisa at sa katunayan ay iginagapos ang kamay ng uring mangagawa sa batas ng Assumption of Jurisdiction.

33. Higit na walang magiging maayang bukas ang matatanaw sa uring mangagawa sapagkat isasabatas din ng Rehimeng GMA sa pamamagitan ng House Bill 2112 (?) o Gunigundo Bill ang iskemang Kontraktwalisasyon. Lalo nitong pinipiga ang lakas at yamang ibinunga ng masang anakpawis.

34. Sa ibayong dagat naman, dagsa pa rin ang mga Pilipino manggagawa. Tinatayang mas lumaki ang halaga ng OFW remittances na naitala ng National Statistics Office mula $12.8 bilyones sa taong 2006 tungo $14.4 bilyones sa nakaraang taon. Sa kabila nito, dumarami naman ang mga Babaeng Pilipino dumadagsa sa ibayong dagat, 47% (124,704) sa kabuuan ng 267,453 na bagong naempleyo sa taong 2007 upang matustusan ang pamilya ditto sa Pilipinas. Umaabot na ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat ng 1,012,954 mula lamang Enero-Disyembre ng taong 2007. Taas-noo namang ipinagmalaki ng rehimeng GMA ang naging kontribusyon nito sa GDP ng Pilipinas na umaabot na ng 7.3% sa kabuuang GDP. Samantala, lalong dumarami rin ang insidente at balita ng mga pagkamatay ng mga manggagawang Pilipino kung hindi man pang-aabuso. Nababalitaan din nating ang mga masalimuot na mga karanasan ng pang-iipit ng mga dayuhang amo sa mga Pilipinong OFW's.

Ang Kasalukuyang Katayuan ng Sistemang Pulitikal ng Bansa

35. Walang humpay ang krisis pulitikal ng bansa lalong-lalo nang maupo si GMA sa pwesto sa taong 2001. Tuloy-tuloy ang pagkakahiwalay nito sa sambayanan at sa mga kasamahan nitong reaksyunaryo.

36. Higit na lumitaw ang pangil nito sa kagustuhang manatili sa pwesto at makairal ang kapangyarihang ipinipwersa sa sambayanan. Nagpapakita sa iba’t-ibang mga maniobra nito sa pamamagitan ng pagmomobilisa ng limpak-limpak na pera at ng militar para sa pagsasakatuparan ng makasarili at gahamang adhikain. Nagpapakita ito sa pakana ng pamimili ng boto, panunuhol sa COMELEC at mga mambabatas, pagbabago ng Konstitusyon, pagtataksil sa sarili nitong kapartido, pagamit ng mga posisyon sa Gubyerno pabuya sa ibinigay na pagsuporta sa maduming paraan ng pagwagi sa eleksyon, at malala pa kinaya nitong pumatay.

37. Wala ng pakikipagtunggali sa usapin ng pagiging gahaman ng Rehimeng GMA sa paggamit ng kapangyarihan para sa higit na paghuhuthot sa sambayan para sa sariling pagpapalago. Nagsisipaglabasan ang iba’t-ibang mga proyektong maanomaliya at sobra-sobrang pagprepresyo katulad ng Fertilizer Scam, Diosdado Macapagal Highway Scam, Telepono ng Bayan Scam at ang huling bumabagabag sa kanya ay ang NBN-ZTE Scam at ibinukas naman nito ang Cyber Education Scam.

38. Dulot ng kampanya ng Simbahan at ng mamamayang lumalaban sa pagpapawalang-bisa ng E.O. 464 o ang Gag Order ng Rehimeng GMA, ay inaapruba naman ng Korte Suprema ang paggamit ng Executive Privilege para sa hindi pagsipot/pagsagot ng mga opisyal ng Gubyerno kung kailan tatawagin upang tetisgo sa mga imbestigasyon ng mga anomalya sa Gubyerno.

39. Ang lahat ng ito, patunay na walang pakialam ang Rehimeng GMA sa patutunguhan para sa totoong ikabubuti ng sambayanan. Sa katunayan, para sa pagkuha ng perang ipinauutang ng Tsina sa kanyang rehimen ay kusang ibinigay ang ating karapatan sa Kalayaan Islands at ng Bansa sa pagpirma ng kasunduang RP-Tsina na isasadlak ang malalaking tipak ng ating lupain at karagatan sa pagpapalago ng ekonomiyang Tsina sa kabila ng malaking pangangailangan natin sa pagkain, at iba pang mga mahalagang mga batayang pangangailangan.

40. Kinakaya ng kasalukuyang Rehimen na ito ang paggamit ng batas kailanma’t hinihingi ito ng kanilang pangangailangan manatili sa pinanghahawakan nitong kapangyarihan kinaya namang hindi ipairal ang pagpapatupad ng batas kung ito ay ipinaglalaban at kinakailangan ng mamamayan.

Ang Ating mga Tungkulin:

41. Higit pa nating paigtingin ang kampanya sa pagpapabagsak ng Rehimeng US-GMA, Tapusin ang elitistang paghahari at kapangyarihan sa Mamamayan. Ang mga kaganapan ngayon mula sa tuloy-tuloy na krisis sa pang-ekonomiya at pampulitikal ay nananatiling isang pambihirang sitwasyong higit na makakapagsiwalat ng kabulukan ng sistemang umiiral sa bansa na kailanman hindi nagsisilbi sa masang Pilipino.

42. Pag-ibayuhin ang masinsin at masigasig na pagpupukaw sa masa na tumutongtong sa masalimuot at puno ng walang-kaseguraduhang kinaiiralan nilang buhay sa sistemang ito.
43. Higit din tayong magiging mapanlikha sa mga iba’t-ibang paraan ng pagpupukaw katulad ng Snake/Sneak Rally, Cultural Presentations, Chalk Brigade sa eskwekahan, House-to-House Mass Distrubution ng statements sa komunidad, pagpipirma pahayag ng pagkamuhi kay GMA at sa sistema, Ambush Prop na may sinuot na mga Placards ng mga panawagan , Room-2-Room Discussions, talakayang masa at papag, radio interviews and jingle-singing upang lubos na maitagos ang adhikain at kagustuhang makaalpas sa bulok na sistemang umiiral taliwas sa inabot ng iba na pagsasawalang-bahala at systematic acceptance ng kabulukang umiiral.

44. Magiging mulat din tayong anihin ang napukaw na masa sa Kilusan sa Pambansang Demokrasya upang higit at lubusang makapag-ambag sa pagbabago ng sistema at hindi lang sa isang isyu.

45. Mulat ding armasan (sistematikong pag-aaral: KND, KPLOA, ARAK, tacsit discussions) ang mga kasamahan upang magiging epektibo at magkaroon ng kumpiyansang magpahayag ng paglilinaw sa masa. Hindi kailanman maipagwagi ang anumang adhikain kung tayo ay iilan. Kinakailangan nating abutin ang mapagpasyang bilang upang higit nating maabot ang mithiing lumaya.

46. Magiging mapagmatyag din tayo sa mga usapin at isyu ng lokalidad at mulat na iuugnay ito sa pambansang usaping kinakaharap at maging maagap sa paggabay sa pagkilos upang baguhin ang kalagayan o depensahan ang mga karapatan. Mulat din tayong idugtong ang mga usapin sa Pambansang Demokrasya upang mas magiging malinaw ang mga kinakaharap na suliranin ay may kinauugatan.

47. Maging mapagsiyasat upang magabayan sa pagkamit ng angkop na mga taktika sa pag-unawa at pagpapakilos.

48. Tuloy-tuloy din tayong mag-aral sa pabago-bagong sitwasyon upang higit na makapagbibigay-linaw. Gawing regular ang pag-alam sa kasalukuyang balita (TV, radio, Newspaper).

49. Hikayatin ang mga kasamahan at ang masang napukaw na ipakita nito ang paglaban at ang pagkamuhi sa sistema sa kani-kanilang mga lokalidad sa kasalukuyan nitong kakayanhan. Pwede kasi tayong malimitahan sa kasalukuyang kakulangan sa pinansya para sa paglunsad ng mga sentralisadong mga pagkilos. Hikayatin silang resolbahin hanggang sa usapin ng gastos sa kanilang sariling pinlano.

50. Hikayatin ang mga kabataan-estudyante at mga nasa panggitnang pwersa na imaksimisa ang kanilang panahon para makapaglilinaw sa anumang paraan hanggang sa pagsulat ng mga prop statements sapagkat posibleng malayo ang mararating ng isinusulat kumpara sa isinasalita.

ABUTIN AT KAMTIN ANG KALAYAAN!!!

KAPANGYARIHAN NG MAMAMAYAN AY HAWAKAN!!

WALA TAYONG MAASAHANG PAGBABAGO KUNG HINDI NATIN ITO PAPANDAYIN!!

MABUHAY ANG MAMAMAYANG LUMALABAN HANGGANG SA TAGUMPAY AY MAKAMTAN!!!

KILUSAN PARA SA PAMBANSANG DEMOKRASYA-CEBU

No comments: