Pahayag sa Araw ng Paggawa - Mayo-Uno 2008:
PAGKAIN, TRABAHO,
KATARUNGAN AT KALAYAAN
Bigas, pagkain at pangunahing bilihin patuloy
na nagtataasan - Pagtitiis hanggang kailan ?
Noon, pinagtitiisan ang galunggong o pinagkakasya ang isang lata ng sardinas. Tapos, instant noodles na lang ang inuulam sa kanin.
Ngayon, bigas na ang di mabili sa taas ng presyo. Wala pa namang hanapbuhay ang marami!
Mapapakalma ba ang kalam ng sikmura ng mga balitang bumubuti ang ekonomya at ng paniniyak na sapat ang suplay ng bigas?
Ang totoo niyan, kung noong mga dekada 80, nag eeksport pa ang Pilipinas ng bigas, ngayon ito na ang pinakamalaking importer ng bigas sa pandaigdigang merkado.
Noon pa man ay nagbabala na ang mga samahang magbubukid tungkol sa mga patakarang pang-agrikultura at agraryo - ayon sa kanila:
Kung magpapatuloy ang pagpapalit-gamit ng lupang agrikultural, kung ang mga taniman ng palay at mais ay gagawing golf course, resort, subdibisyon o taniman para sa biofuel, palm oil at mga high value crops na pawang pang eksport, lalala ang kakulangan sa pagkain sa bansa. Tuwiran na itong aasa sa pag-iimport ng kinakailangan nating suplay ng bigas at pagkain.
Pero, sa halip na lutasin ang problema, lumagda at tuwiran pumaloob pa ang gubyerno sa WTO – at tuwiran ginagawang palaasa sa importasyon ang Pilipinas.
Makikita ito sa pagbabawas ng subsidyo sa mga magsasaka (na sa Pilipinas ay sa presyo lang naman ng pamimili ng NFA nakikita). Itinakda ang minimum na bultong tonelada ng bigas na aangkatin ng ating bayan. At unti-unti pang inaalis ang taripa o buwis sa mga pagkaing imported.
Lugi sa kumpetisyon ang lokal na prodyuser kaya napipilitan itong magpalit tanim—yung high value crop na pang-eksport—o bitawan ang lupa at maghanap ng ibang papagkakakitaan. Resulta patuloy na lumamalala ang problema sa kawalang katiyakan sa pagkain.
At di pa nasapatan dito, pumasok pa si GMA sa mga kasunduang bilateral sa Tsina, Korea at Japan na lalong nagsasapanganib ng ating kasiguruhan sa pagkain. Kasama sa mga pinagkasunduan nila ang paggamit ng ating mga kalupaan at katubigan para sa gamit ng bansang ito.
Sa panahong tulad nito na humina ang produksyon ng pagkain sa ibang bayan dahil sa mga kalamidad at pagpapalit-gamit ng lupa nakakita ang kartel ng bigas, sa pakikipagsabwatan sa mga tiwali sa gubyerno, ng pagkakataong lalong magmanipula sa presyo.
Pyesta ang kartel at ang mga gahaman sa NFA lalo’t nakabonus pa sila sa pagkakaalis ni GMA ng quota sa imporatsyon ng bigas. May dagdag pang kasiyahan si GMA - nalihis ang atensyon ng tao sa iskandalo ng ZTE!
Kontraktwalisasyon, at trabahong para-paraan
Walang katiyakan kung hangggang kailan.
Ang mahigit 65% na mamamayang dapat ay naghahanapbuhay ay nagtatrabaho na lang bilang mga kaswal, kontraktwal o “para-paraan”: mababa ang sahod, walang proteksyon ng batas at walang benepisyo mula sa CBA dahil labas sila sa unyon at walang katiyakang may hanapbuhay pa sa kinabukasan.
Gaya ng krisis sa bigas mauugat ang ganitong kalagayan ng mga manggagawa sa mga tiwaling patakaran ng gobyerno.
Ang liberalisasyong - nagbigay laya sa daloy ng puhunan at kalakal; deregulasyon - na nagtanggal sa proteksyon para sa mga katutubong negosyo at ilan pang negosyong dati rating pinagkakakitaan ng gobyerno; Pribatisasyon - na nagbigay daan upang buo buong mapasakamay ng mga dayuhang monopolyo kapital ang mahahalagang negosyo at serbisyong dating kontrol ng gobyerno.
Suma tutal – bumagsak ang nalalabing binhi ng industriya sa bansa at buo-buong nakupo ng mga dayuhan, pati na ang iba pang pamumuhunan sa ating bayan.
Pawang mga outsourced na bahagi na lamang ng negosyo mula sa mauunlad na bayan ang tipo ng trabahong pumasok sa bansa. Kung kaya, ang uri ng trabaho – kontraktwal, kaswal o trabahong para-paraan ay pawang walang katiyakan. Ito ang kalagayang nagbalewala sa karapatan ng manggagawa para sa desente at matatag na trabaho.
Sa Pagtatanggol sa kabuhayan at karapatan
Dahas at panunupil ang ibininigay sa manggagawa at mamayan !
Mula sa malayong kanayunan hangggang kalunsuran, mariing sinusupil pinapatay para tuluyan nang patahimikin ang mga lider ng masang tumutol sa mga katiwalian at patakarang tuwirang pumipinsala sa kanilang kabuhayan. Sa bisa ng Assumption Jurisdiction (AJ) pinipigilang mag-welga ang mga manggagawang nagtatanggol ng kanilang karapatan at naggigiit ng lehitimong kahilingan. Kapag naggumiit marahas na binubuwag ang piketlayn, binubogbog at ikinukulong.
Sinasalubong ng Calibrated Preemptive Response ang mamamayang nagpoprotesta (CPR) na karaniwang nauuwi sa marahas na pagbuwag ng mga kilos protesta.
Palasak na ginamit ang EO-464 ngayon at ang executive privilege ngayon upang mapigilang maibulgar ang totoo ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan sa mga pagdinig ng Kongreso.
Nakaumang laban sa namumuong galit ng mamamayan ang Human Secrity Act (HSA) na pinagtibay noong 2007. Ayon sa HSA – ang anumang paglaban sa pamahalaan gaya ng pagbatikos sa mga tiwaling programa ng patakaran ay ituturing na isang anyo ng terorismo, at sa gayon, maaaring arestuhin ang sinuman anumang oras nang hindi na kinakailangang pa ng Warrant of Arrest.
Nasaan ang Kalayaan kung hindi mapagpasya
ang mamamayan sa kanilang kinabukasan ?
Nalugmok ang mamamayan sa karahupan dahil sa mga batas at patakarang itinataguyod ng rehimeng Arroyo, batas at patakarang pabor sa dayuhan, Kapalit ng mga ito ang sariling pagpapakabundat at pagpapayaman, sukdulang ibenta ang kaluluwa ng mga mamamayan. Kung kaya, mayaman man sa mina ng langis, natural gas, ginto tanso at iba pang mahahalagang mineral, wala sa kamay o kontrol at kapakinabangan ng mamamayan.
Nabunyag na ZTE deal, PIATCO, Jocjoc Bolante fertilizer scam, COMELEC computerization program ay ilan lamang sa mga maanomalyang kontrata. Ang kahulugan ng lahat ng mga ito – paglimas sa kaban ng bayan at pandarambong ng mga dayuhan sa likas na yaman at yamang likha ng mamamayan.
Panghawakan ang ating kinabukasan !
Tama na ang pagwawalang bahala at pagtitiis! Ngayong araw ng Paggawa – sama sama tayong magmartsa - buong lakas na isigaw ang PAGKAIN, TRABAHO, HUSTISYA at KALAYAAN. Igiit nating gawing prayoridad ng gubyerno ang pagpawi ng gutom sa buong bayan! Igiit natin ang mapagpasyang paglutas sa suliraning agraryo at ang pag-asa sa sariling produksyon ng bigas at iba pang pangunahing mga pagkain.
Ipaglaban ang pambansang industriyalisasyon na susi para makamtan ang disenteng trabaho para sa lahat. Huwag ng magtiyaga sa trabahong kontraktwal at paraparaan. Igiit natin ang pagkalas sa mga batas at patakarang dikta ng mga dayuhang bansa at mga monopolista.
Ipaglaban ang pambansang kasarinlan at ang tunay na kapangyarihang magpasya ng sambayanang inaapi, na siyang katubusan at magbibigay daan sa paglaya sa ng sambayanan sa kahirapan, kagutuman, kawalan ng disenteng trabaho at kawalan ng pag-unlad.
Pawiin ang kagutuman!
Kamtin ang Kasapatan sa Bigas, Kasarinlan sa Pagkain
Desenteng trabaho at Matatag na Hanapbuhay para sa lahat !
Hindi habambuhay na Kontraktwal at trabahong para-paraan !
Katarungan Panlipunan - Batas at patakarang nagtataguyod
sa kabuhayan at karapatan ng mamamayan, hindi ng dayuhan !
Kalayaan – Laban sa patuloy na dominasyon ng dayuhan !
Igiit ang sariling pagpapasya ng mamamayan !
Rehimeng Arroyo at paghahari ng mga ilitista, wakasan !!
Kapangyarihan - ipasakamay ng mamamayan !!
Mabuhay ang uring manggagawa !
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino !
No comments:
Post a Comment