Sinabi na natin noon pa – mula nang simulan ang importasyon ng ating mga pangunahing produktong agrikultural gaya ng bigas, mais, atbp at mula nang ipatupad ang mga programa’t patakaran sa agrikultura alinsunod sa dikta ng WTO, na magdudulot ito ng lalong kawalan ng kakayahan ng lokal na agrikultura na umagapay sa pangangailangan ng bansa, laluna sa usapin ng pagkain.
Pandaigdigan ang saklaw ng krisis sa bigas/pagkain. Biglang sumirit ang presyo ng bigas sa pandaigdigang palengke – mula $430/ton sa pagtatapos ng 2007 tungong $747/ton (73% na pagtaas). Shortage sa supply ang sinasabing pangunahing dahilan.
Tinatayang nasa pinakamababa sa nakaraang tatlumpu’t dalawang taon (32 years) ang global stockpile ng bigas. May shortage sa supply ng bigas sa mga bansang pangunahing eksporter nito tulad ng Vietnam, Thailand, Indonesia at Cambodia. Mababawasan ang kakayahan ng Vietnam na magsuplay ng bigas sa pandaigdigang palengke gayong isa ito sa pinakamalaking eksporter ng bigas sa kasalukuyan at kung saan nagmumula ang 85% ng kabuuang importasyon ng Pilipinas sa bigas. Tinatayang 1 milyon metriko tonelada (MT) kada taon ang mababawas sa sinusuplay nito sa pandaigdigang palengke. Ang Thailand, Indonesia at Cambodia ay nagkokonsidera nang huminto na muna sa pag-eeksport upang protektahan ang pansariling seguridad sa pagkain.
Samantala, ang iba pang mga bansang dating eksporter tulad ng India at Bangladesh ay nagsabi na di na muna mag-eeksport.
Ang Pilipinas, na dating pangunahing eksporter noong 1980’s ngunit ngayon ay siya nang pinakamalaking importer ng bigas (12% ng bigas na nasa pandaigdigang palengke), ang isa sa matinding tinamaan sa nagaganap na krisis sa bigas.
Ang ganitong kondisyon ay pumatong pa sa kalagayan ng lokal na agrikultura na matagal nang naghihingalo at nasa krisis. Kaya doble ang tama sa atin ng krisis -- habang ang usapin sa produksyon ng pagkain ay nakakabit sa kabuuang pandaigdigang paghupa sa produksyong agrikultural, ang ugat pa rin ng lokal na krisis ay panloob at kung gayon ay mas panloob ang kalutasan.
I. Ang Malaganap na Land Use Conversions at Crop Conversions
Malaganap sa bansa ang land use conversion (LUC) at malawakang pagpapalit-pananim na pang-eksport (crop conversion). Ang kumbersyon ng mga mahuhusay na lupaing agrikultural tungong mararangyang subdibisyon at golf courses, taniman ng halaman para sa biofuel (jathropa), palm tree at ibang high value crops habang ang ibang mga lupaing tubuhan at maisan ay inilaan para sa produksyon ng biodiesel sa halip na pagkain, ay mabilis na nagpakitid sa lupaing kailangan sa produksyon ng pagkain.
Sa pagliit ng lupaing dating nakalaan sa pagkain (bigas at mais)–dating nasa 10 milyon ektarya noong taong 1992 at sa kasalukuyan ay nasa 4 milyong ektarya na lamang (samantalang ang Thailand at Vietnam ay may nakalaang 10M at 7M ektaryang lupain para sa produksyon ng pagkain) –kasabay na bumagsak ang produksyon ng bansa para dito, laluna sa bigas.
Tumigil na sa paglaki ang produksyon ng bigas mula 1992 na umaabot lang ng 3 metriko tonelada kada ektarya (MT/ha.). Nasa 5.4 MT/ha. ang kinakailangang produksyon para masustini ang seguridad sa pagkain ng bansa. Sa kasalukuyan ay tinatayang nasa 20% mas mababa ang kabuuang produksyon natin ng bigas kumpara sa kabuuang konsumo natin.
Nagreresulta ang pananatiling atrasado ng agrikultura sa maliitan at mababang produktibidad. Pinalala pa ito ng malaganap na LUC at crop conversions at naglagay sa bansa sa pamalagiang sitwasyon ng krisis sa suplay sa bigas. Lalong hindi na makaagapay sa aktwal na pangangailangan ng bansa ang produksyon ng pagkain.
II. Ang Manipulasyon ng Kartel sa Bigas
Mula 2000 hanggang kasalukuyan ay nasa 0.05% lamang ng kabuuang produksyon ng palay ang nabibili ng National Food Authority (NFA) – ang ahensya ng gubyernong nakatalaga upang mamili ng palay sa presyong may subsidyo. Malayo ito sa orihinal na mandato nito na bumili ng 12% mula sa kabuuang ani. Natitipon ang bultong nalalabi sa produksyon sa kamay ng mga komersyante na kinakatawan ng kartel sa bigas na nakasentro sa Dagupan St. sa Divisoria.
Ang malalaking komersyanteng ito ang siyang nagmamanipula sa presyo ng palay at bigas. Sila ang nagtatakda ng presyo ng palay mula sa mga naiimbak sa mga ricemills hanggang sa mga buying stations sa pinakamalalayo mang baryo sa kanayunan. Dahil sila ang nakakakopo ng malaking bulto ng bigas, kaya nilang likhain ang kondisyon ng supply at demand na siyang nagpapabagsak o nagpapataas sa presyo ng palay.
Mapagpasya sa pagpepresyo ng bigas sa Pilipinas ang kontrol nila sa lokal na ani at maging sa importasyon bilang mga lisensyadong importer. Ang mga pandaraya sa timbang, paghahalo ng mga NFA Rice sa mga de-kalidad na bigas at pag-iimbak upang kontrolin ang pamilihan ay ilan lamang sa mga anyo ng operasyon ng malalaking komersyante ng bigas sa Pilipinas.
Lalo pang makasusuhay sa operasyon ng kartel ang pinakabagong patakaran ng gubyerno na nagtatanggal ng rice import quota para sa pribadong sektor. Ibig sabihin, mula sa dating 300,000 metriko tonelada kada taon na quota sa importasyon ng bigas ng pribadong sektor, pinapayagan na ngayon ang walang limit na importasyon. Ayon sa gubyerno at sa NFA, ang importasyon daw ang agad na makalulutas sa kakapusan sa suplay sa bigas.
May kaakibat naman diumano itong regulasyon dahil dapat na dumaan sa NFA ang lahat ng importasyon ng pribadong sektor. Ang totoo, lalong pabor ito sa kartel (na siya namang nakakakopo sa bulto ng importasyon at suplay ng bigas) dahil ang NFA naman ang sasagot sa 50% bayarin sa taripa na kukunin sa tax expenditure fund (TEF ) na inilalaan ng Department of Finance sa mga ahensya ng gubyerno. Maniningil lamang ang NFA ng service fee sa pasilitasyon nila ng importasyon para sa pribadong sektor. Makakamenos pa nga ang pribado sa kanilang bayarin sa importasyon. At dahil lalong walang regulasyon, lalong makapagbibigay-kaluwagan ito sa pagsasagawa ng rice smuggling.
Malayo sa tunguhing pagbubuwag ng kartel sa bigas ang kondukta ng ating gubyerno. Lalong nakapagpapalakas at nakapagpapatibay ang mga patakaran nito sa operasyon at pag-iral ng kartel.
III. Ang Krisis sa Produksyong Agrikultural na Pinalalala pa ng Implementasyon ng mga Patakarang Neo-liberal
Pwestado ang mga instrumento sa pagpupuspos ng globalisasyon sa agrikultura. Sinimulan noong 1994 ang pagtupad sa mga probisyon ng GATT matapos pumirma ang Pilipinas sa General Agreement on Tariffs and Trade (GATT) sa pangunguna ng senadora pa noong si GMA. Sa kalaunan, sa dikta ng World Trade Organization (WTO) nilubos ang pagtatanggal ng mga batas na kahit paano ay nagpuprotekta pa sa agrikultura. Pinuspos ang implementasyon ng mga patakarang lalong nagpahina at pumapatay sa lokal na produksyon.
Ang GATT-WTO-AoA
Ang Agreement on Agriculture (AoA) ay isang kasunduan na nakapaloob sa General Agreement on Tariffs and Trade (GATT) at World Trade Organization (WTO) na mayroong partikular na diin sa agrikultura. Dito, itinakda ang pangkalahatang direksyon ng agrikultura ng bawat bansa -- ang liberalisasyon o ang pagbubukas ng agrikultura sa pagpasok ng dayuhang produkto at kapital.
Ilan sa mga mayor na nilalaman ng AoA na nakaapekto nang malaki sa tuluyang paghina ng lokal na agrikultura ay ang pagtatanggal ng mga quantitative restrictions (QRs) gaya ng unti-unting pagbabawas hanggang ganap na pagtatanggal (0%) sa taripang ipinapatong sa pumapasok na imported na produktong agrikultural pagdating ng taong 2009.
Itinakda naman ang Minimum Access Volume (MAV) Ito ay ang minimum na laki o dami ng inaangkat ng isang bansa mula sa ibang bansa. Itinakda na 3%-5% ng pambansang konsumo ang dapat iangkat ng mga umuunlad na bansa (kabilang ang Pilipinas) mula sa ibang bansa. Kailangang sundin ang MAV, kulang man o labis ang produktong lokal, dahil may karampatang economic sanction o parusa kapag di nakatupad dito.
Itinakdang Minimum Access Volume (MAV)
1998 1999 2000 2001 2002 2003 2004
Rice MAV / MT 97,061 111,994 119,460 134,395 164,265 194,136 224,005
Corn MAV / MT 154,266 163,908 173,550 183,192 102,934 202,477 212,119
(Dept. of Agriculture (DA), GATT Steering Committee)
Ang Pilipinas, na dating eksporter ng bigas, ngayon ay siya nang pinakamalaking importer nito (ayon sa U.S. Department of Agriculture). Bilang patunay sa pagiging pinakamasugid na tagasunod sa mga dikta ng WTO, nilagpasan pa nga (nang milya-milya) ng mga nagdaan at kasalukuyang gubyerno ang nakatakdang tiyak na komitment nito gaya ng sa MAV.
Volume of Rice Imports (1194-2002) In Metric Tons
1994 no importation
1995 257,260 MT
1996 873,940 MT
1997 722,400 MT
1998 2,170,830 MT
1999-2001 800,000 MT
2002 1.48M MT
2005 1.6M MT
2006 1.7M MT
Sa taong 2008, aabot sa 2.2M MT ang target ng rehimen sa importasyon. Naisagawa na ang pamimili ng kalahati nito mula sa Vietnam at Pakistan.
Itinatakda rin ng kasunduang WTO-AoA ang pagbabawas ng subsidyo o suporta ng gubyerno sa mga magsasaka. Mula 1995, 13% ng kabuuang suporta ng gobyerno sa mga magsasaka ang tatanggalin kada taon (ito ay para sa mga umuunlad na bansa gaya ng Pilipinas). Itinakda ring bibili na lamang ang National Food Authority (NFA) ng 2-4% ng palay (batay sa pambansang produksyon) kada taon.
Ang pagbabawas ng subsidyo para sa magsasaka ay hindi makakaepekto sa mga maunlad na bansa dahil sa mahigit sa kalahati ng gastos sa produksyon ng kanilang magsasaka ay kinakarga ng kanilang gubyerno
Dito sa atin, habang nababaon sa utang at kahirapan ang maraming maliliit na magsasaka, ang malalaking asendero, komersyante at dayuhang mamumuhunan ang nagtatamasa ng malaking kaluwagan at biyaya.
Ang mga Bilateral Trade Agreements Gaya ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA) at RP-China Agreement on Agriculture
Sa bisa ng kasunduang RP-China 2007, kulang-kulang sa 2 milyong ektaryang lupain ng Pilipinas ang pinahihintulutang paupahan sa mga korporasyon Tsino sa loob ng 25 taon. Ang mga lupaing ito ay gagamitin para pagtamnan ng palay, mais at gulay hindi para sa Pilipino kundi para tiyakin ang seguridad sa pagkain ng mga Tsino. Ang ibang lupain naman ay ilalaan para sa produksyon ng biofuel.
Sa ilalim naman ng JPEPA, hiniling ng gubyernong Hapon ang pagliliberalisa ng mga kondisyon sa pamumuhunan sa Pilipinas para sa magaan at malayang pagpasok ng mga korporasyong Hapones sa bansa. Hindi lang mga probisyon sa pagbabawas ng mga taripa ang nakasalang kundi maging ang malayang pagpapagamit ng ating mga lupain at katubigan.
Lalong magdudulot hindi lang ng kawalang seguridad sa produksyon ng pansariling pagkain kundi maging ng kawalan ng proteksyon sa buong ekonomiya ng bansa.ang itinutulak na liberalisasyon sa ilalim ng mga kasunduang pinapasok ni GMA sa iba pang mga bansa gaya ng Japan, China, U.S., Australia at iba pa.
IV. Ang Patuloy na Kapabayaan at Kawalan ng Matinong Programa ng Gubyerno sa Agrikultura
Walang matinong programa ang rehimeng Arroyo sa agrikultura. Pinanatili nitong atrasado at maliitan ang produksyong magbubukid.
Hindi nilulutas ng gubyerno ang matagal nang problema ng mga magbubukid sa kawalan at kakapusan sa lupang masasaka. Napatunayan nang hungkag ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng gubyerno. Nasa kamay pa rin ng malalaking panginoong maylupa at mga korporasyon ang malalawak na lupaing produktibo.
Wala ring pondo ang gubyerno para sa mga suporta at subsidyo – kaya halos buu-buong kinakargo ng magbubukid ang malaking gastos sa produksyon. Wala ring pondo sa pagbili ng palay ng mga magbubukid pagdating ng anihan. Sa kabuuan, walang pondo sa agraryo’t agricultural na pagpapaunlad. PERO, may pambayad utang na umaabot pa nga sa halos 40% ng kabuuang badyet kada taon, at pondo para sa modernisasyon ng militar.
Ang mga batas at programa ng gubyerno para sa pagpapaunlad ng agrikultura gaya ng AoA, Agriculture and Fisheries Modernization Act (AFMA) ay mapanlinlang. Di nito binubuwag ang monopolyo sa lupa at nakadisenyo para sa interes ng mga malalaking korporasyong lokal at dayuhan.
Liban dito, ginagawa pang gatasang kalabaw ang taunang badyet sa agrikultura para sa pondong pang-eleksyon at kikbak ng mga matatapat na tagapagtanggol ng rehimen gaya ng nangyari sa mahigit P 700 milyong Ferlilizer Scam at ng di maipaliwanag na pagkalimas ng P1.2 bilyong pondong pautang ng Quedancor para sa magsasaka. Nakapagdududa tuloy kung talaga bang tinutugis ni GMA ang mga hoarders at sindikato sa bigas gayong talamak ang kanyang rekord sa kurapsyon at panloloko sa taumbayan.
No comments:
Post a Comment